Unang araw ng #BakunaMakati naging matagumpay
Naubos sa loob lamang ng isang araw ang 300 Sinovac doses na inilaan ng Department of Health (DOH) para sa Ospital ng Makati (OsMak).
Personal kong pinuntahan ang ceremonial vaccination program sa OsMak noong Biyernes bilang suporta sa ating magigiting na doktor, nars, at mga kawani ng ospital.
Marahil ay sa akin ang pinakamalakas na palakpak at sigaw matapos mabakunahan si OsMak Medical Director Dr. Vergel P. Binay. Siya ang kauna-unahang Makati health frontliner na nakatanggap ng bakuna. Sinundan siya nina Dr. Max Angelo Terrenal ng Dept. of Emergency Medicine; Dr. Michelle Cuvin, Pediatric Infectious Disease Specialist, at iba pang mga doktor, nars at hospital personnel.
Itinuturing kong isang makasaysayang araw ang simula ng pagbabakuna laban sa coronavirus. Sa loob ng isang taon ay labis ang aking pag-aalala para sa ating mga medical frontliner dahil araw-araw nilang isinasapalaran ang kanilang kalusugan at kaligtasan para maalagaan at magamot ang mga mamamayang nagkasakit sa COVID.
Dahil sa proteksyong ibibigay ng bakunang ito sa kanila, patuloy silang makakapagligtas ng buhay sa mga susunod pang panahon.
Maraming nagtatanong sa akin kung bakit hindi ako ang naunang magpabakuna. Nais kong ipabatid na bagama’t gusto kong magpabakuna ay minarapat kong ibigay ang limitadong allotment ng Sinovac sa mga frontliner. Nananatiling mataas ang exposure nila sa coronavirus dahil sila ang direktang nangangalaga ng pasyenteng may COVID.
Handa po akong mag-antay sa pagdating ng ating inorder na bakuna, o kapag may susunod pang ibibigay mula sa DOH. Maaasahan po ninyo na kaming lahat sa pamahalaang lungsod ng Makati ay buo ang suporta at tiwala sa programa ng bakuna laban sa coronavirus.
Nagpapasalamat din ako sa magandang halimbawang ipinakita ng ating mga medical frontliner para sa mga Makatizen. Mabilis na napuno ang 300 slots para sa mga nais magpabakuna kung kaya naman nagpaplanong magkaroon ng susunod na vaccine schedule.
Bagamat may natatanaw na tayong pag-asa, hindi ibig sabihin nito na magluluwag na ang safety at health protocols sa Makati. Patuloy pa ring ipatutupad ang mga ordinansa na nagtatakda ng curfew at safety protocols, tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shield sa mga establisimento, at pananating sarado ng mga bar habang may pandemya.
Hindi kami magdadalawang isip na magpasara ng mga negosyo at establisimentong lalabag sa mga patakarang ito. Buhay natin at ng mga mahal sa buhay ang nakataya. Kailangan ng ibayong pag-iingat lalo pa’t may mga bagong variants na ng COVID na nakapasok sa bansa.
Hinihiling ko ang kaunti pang pasensiya at higit pang pag-iingat. Malapit na nating malampasan ang pandemya. Kapit lang, Makatizens.
- Latest