Ang usapang hindi natitinag

Nang bumulaga ang balitang binasura ng Korte Suprema ang protesta ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Congresswoman Leonor “Leni” Robredo sa pagkapanalo ng huli bilang Vice President, tila namayagpag na naman ang usapang pulitika. Nauna nang pinag-usapan ang sunud-sunod na survey para sa Presidente, Bise Presidente at mga senador kung saan walang humpay ang pangunguna ni Davao City Mayor Sara Duterte sa puso at isip ng mga tao.

Kasama rin ang isyu tulad ng pagrehistro ng mga bagong botante at, siyempre, ang sistemang gagamitin sa aktuwal na pagboto sa 2022. Kung kulang pa iyon, naba­litaang si dating Secretary of National Defense Gilberto “Gibo” Teodoro, Jr. ay makikilahok din sa halalang darating. Ang lahat ng ito ay naging menu sa mga uhaw at gutom para sa usaping eleksiyon, kesyo dahil mahalaga sa kanila ang demokrasya o naghahanap lang silang malibang sa mabigat na emosyong hatid ng pandemya.

Ang laban ng mga Bise Presidente ay bagay na iwan na natin sa Hukuman. Ang palaisipan talaga ay ang kung papaano gaganapin ng ligtas at maayos ang halalan sa 2022. Ang nakasanayan nang pagboto sa eskuwelahan o sa mga publikong gusali, sa loob ng mga classroom kung saan assigned ang bawat presinto, ay sistemang hindi na uubra sa ngayon. Tinitingnan na ng Comelec ang posibilidad na paggamit ng mga open air na venue. Kung sa paaralan man itatanghal, malamang sa gym o sa quadrangle tayo.

Papaano ang mga pila? Malamang ay hahabaan ang oras ng pagboto. Maaring madagdagan ng araw, hindi oras o minuto. Ang pinakamabigat na karagdagang pro­seso ay ang paggamit ng mailed in votes. Mga botong idadaan sa kartero, sa ating naghihingalong post office.

Nakakagulat mang isipin ay hindi talaga ito maiiwasan dahil doon tayo patungo, lalo na’t walang linaw ang ating programa sa pagbabakuna. Maski ang pagkampanya ay iba na rin ang anyo. Wala nang house to house o pa-miting sa kanto. Media at social media na lang ang venue.

Show comments