Mangulila sa tuktok
Nakangungulila sa tuktok. Maraming hari, presidente, at CEO ang umamin niyan. Pinaliligiran sila ng pulu-pulutong na tagapayo, alalay at pusong. Pero karaniwang pakiramdam ng mga pinuno ay nag-iisa sila sa taas. Ang mga palalo na nagkunwaring hindi nalungkot at nangamba ay sumablay – nagkasakit, naulol, nagpakamatay.
Bakit pakiramdam ng mga nasa tuktok na nag-iisa sila? Inanalisa ‘yan ni Timothy Ferriss, Amerikanong negosyante, manunulat at podcaster. Aniya, 99% ng tao ay duda sa sariling kakayahang makagawa ng malalaking bagay. Dahil du’n nangangamba sila sa mga tatahaking direksiyon. Nagkukuli sa mga gagawing desisyon. Natatalo ng isip.
Natural na solusyon diyan ng lider na palibutan ang sarili ng mga tagapangasiwa at tagapayo. May mga taga-aliw at tagapagpatawa pa. Ganunpaman, maaring pumalpak ang tauhan. Susubukan itong ayusin ng lider. Pero maaring mapalala pa niya ang sitwasyon. Sa huli ang pinuno ang mananagot, ani Machiavelli. Maari siyang parusahan o kamuhian.
Inaasam, kinaiinggitan, at mahigpit na kinakapitan ang poder. Sa mga hayop man o lipunan, poder ang panukat ng tagumpay, akda nina management professors M. Ena Inesi at Adam D. Galinsky. Pero ang katangian at sikolohiya ng poder ang nakapangungulila sa lider. Nagdududa siya sa mga motibo ng mismong itinalaga niya sa tungkulin. Iniisip niya kung may tinatagong agenda, halimbawa, mangurakot o manira, na ikababagsak ng kaharian, panguluhan o kompanya.
Hindi kataka-taka na may lider tuloy na napaka-sensitibo sa puna. Tinuturing na pagkontra sa kapangyarihan niya ang payo na taliwas sa nakagawian. Tinuturing na kaaway ang mga matatalino at masisigasig.
Sa takot, nagiging sipsip sa insecure na lider ang mga tauhan. Inuulat sa kanya ang mga gusto lang niyang marinig. Binubulungan siya ng mga intriga. Tinatakot siya laban sa mga inosente, para mapalapit sila lalo sa tuktok at makahingi ng pabor – pondo o kontrata.
Sa udyok ng ambisyon ninanais ng tao maluklok sa taas.
- Latest