Hindi na nakagugulat ang 2020 report ng Numbeo sa sitwasyon ng trapik sa Pilipinas. Ayon sa Numbeo report, nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamalalang trapik sa Southeast Asia. Pumapangalawa sa Pilipinas ang Indonesia na sinundan ng Thailand, Malaysia, Singapore at Vietnam.
Sa buong mundo, pangsiyam ang Pilipinas sa may malalang trapik. Nasa top ang Nigeria na sinundan ng Sri Lanka, Kenya, Bangladesh, Egypt, Iran, Peru, India, Pilipinas at Colombia.
Wala nang bago sa report na ito sapagkat talaga namang malala ang trapik sa mga malalaking kalsada sa Metro Manila partikular na sa EDSA na inaabot ng tatlo hanggang apat na oras ang biyahe mula Monumento hanggang Taft Avenue. Usad pagong ang mga sasakyan kaya maraming empleyado, estudyante ang hindi nakararating sa takdang oras. Hindi naman maaasahan ang LRT at MRT sapagkat madalas namang masira. Halos araw-araw ay buhul-buhol ang trapik sa maraming lansangan sa Metro Manila. Naranasan lamang ang maluwag na trapik sa panahon ng lockdown dahil sa COVID-19 subalit ngayon ay nararanasan na naman ang trapik.
Noong nakaraang taon, lumabas sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), na P5.4 bilyon araw-araw ang nawawala sa Pilipinas dahil sa matinding trapik sa Metro Manila. Taun-taon ay nagsasagawa ng pag-aaral ang JICA at lagi nang malaking pera ang nasasayang sa bansa dahil sa trapik.Nakapanghihinayang ang bilyones na sana ay nagastos na lang sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan kagaya ng pagpapaospital o pagpapagamot. Malaking tulong sa mahihirap ang perang nasayang sa trapik.
Maraming isinagawang pagbabago ang Department of Transportation (DOTr) sa EDSA para mapaluwag ang trapik. Lahat nang bus ay inilagay sa kaliwang lane at doon nagsasakay at nagbababa. Hindi na nakagagambala sa mga pribadong sasakyan na inilipat naman sa kanang lane. Ginawa ang plano noong lockdown sa Metro Manila at nakikitaan naman ng positibong resulta. Marami pa umanong pagbabagong isasagawa kagaya nang pagsasara ng U-Turn slots.
Sa aming palagay, makatutulong din sa pagpapaluwag ng trapik ang pag-aalis sa mga obstruction sa kalsada gaya ng mga naka-park na sasakyan. Solusyon din ang pagtatalaga ng traffic enforcers na tapat sa tungkulin at hindi nangongotong. Gumawa pa ng alternate route katulad ng bagong bukas na Skyway 3. Kapag nagawa ang mga ito, hindi na worst ang trapik sa Pilipinas nating mahal.