Si Pinky ay tinanggap ng PCSI bilang claims adjuster para mag-areglo ng mga reklamo sa Quezon City branch ng kompanya. Pagkatapos ng mahigit anim na taon ng pagseserbisyo ay napansin ng PCSI ang palpak na serbisyo ni Pinky lalo sa isa nitong kliyente, ang ASPI. Bandang huli ay saka lang nadiskubre ng PCSI na may sariling insurance agency si Pinky, ang SRJ, na dahilan kung bakit pangit at hindi katanggap-tanggap ang serbisyong ibinibigay niya.
Pinadalhan si Pinky ng Notice to Explain upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat disiplinahin sa mababa niyang serbisyo sa mga kliyente tulad ng ASPI. Matapos magsumite ng paliwanag ay nagkaroon ng meeting sa pagitan ng PCSI at ni Pinky tungkol nga sa mga usapin ng SRJ at ASPI. Napagkasunduan na aaprubahan ng head office ang mga claim ng SRJ samantalang ang mga claim ng ASPI ay ililipat din sa head office.
Matapos ang ilang linggo, nakatanggap na naman ng panibagong memo (Notice to Explain) si Pinky. Pinagpapaliwanag na naman siya tungkol sa palpak niyang serbisyo sa isa pang kliyente ng kompanya, ang Sonrics Consultants and Insurance Brokers Inc. (SONRICS). Hindi nakapagpasa ng paliwanag si Pinky at hindi rin siya pumunta sa head office para ibigay ang kanyang panig. Kaya naglabas ng huling warning ang PCSI.
Inutusan si Pinky na ayusin ang kanyang trabaho at pinaalala sa kanya na kapag naulit pa ang ganitong mga pangyayari ay mas matindi na ang aabutin niyang kaparusahan at baka humantong pa sa pagtanggal sa kanya sa trabaho. Ayaw tanggapin ni Pinky ang sulat. Inutusan siya na pumunta sa head office upang makipagmeeting at ipaliwanag ang kanyang ginawa pero nagmatigas pa rin siya at hindi sumunod. Ang ginawa pa ni Pinky ay humiling na makipagkita na lang sa isang vice-president, si Romy Casino sa isang restaurant malapit sa kompanya dahil ayaw niyang makita ang mga mukha ng ibang opisyales.
Sa meeting ay tinanong ni Casino si Pinky kung gusto niya na lang kung magretiro dahil sa nangyari sa Sonrics pero pinaalala pa rin sa kanya na magpunta sa head office. Dahil sa pagmamatigas ni Pinky ay nakatanggap pa siya ng dalawang sulat bago pa niya maipahayag ang kanyang pagkalito at pagkainis sa nangyayaring pagdinig ng kanyang kaso. Ang unang sulat ay pinagpapaliwanag siya kung bakit hindi pa rin siya nagpapakita sa head office. Ang pangalawang sulat naman ay tungkol na sa pagtanggal na sa kanya sa trabaho.
Dahil sa nangyari ay nagsampa ng reklamo laban sa PCSI si Pinky sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa (a) illegal dismissal, (b) hindi pagbabayad ng tamang sweldo, (c) hindi pagbabayad ng overtime pay, service incentive leave pay, accrued leave pay at 13th hanggang 16th month pay, (d) retirement pay benefits, (e) actual, moral and exemplary damages and (f) attorney’s fees.
Ayon kay Pinky ay hindi na magagamit ng PCSI ang usapin tungkol sa ASPI at Sonrics para siya tanggalin sa trabaho sa kadahilanan na sangkatutak na warning na nag inabot niyang parusa. Isa pa, noong natanggap naman niya ang final warning ay nakipagkita na siya kay Casino sa restaurant at naipaliwanag na niya ang insidenteng may kinalaman sa Sonrics. Ayon kay Pinky ay talagang gusto na lang siyang tanggalin sa trabaho ng PSCI at katibayan ng babae ay pareho pa nga ang petsa ng ipinadalang dalawang memo, ang notice to explain at ang notice of termination, tama ba si Pinky?
TAMA. Nagkaroon nga ng illegal dismissal sa kaso ni Pinky. Ang willful disobenience o insubordination ay sapat na dahilan (just cause) ng pagtanggal ng isang empleyado pero kinakailangan na (1) ang inirereklamong kilos ay talagang baluktot o tahasang pinakikita ang pagmamatigas ng empleyado at (2) ang utos na hindi sinunod ay reasonable, nasa batas at ipinaliwanag na mabuti, panghuli, konektado sa kanyang tungkulin.
Sa kasong ito, ang tanging basehan ng insubordination o hindi paglabag sa utos ay ang ginawang hindi pagsipot ni Pinky sa head office kahit pa natanggap niya ang sulat. Mukhang nasa lugar, makatarungan at reasonable naman ang mga ito. Pero dapat tandaan na wala itong kinalaman sa kanyang tungkulin o trabaho bilang claims adjuster. Ang notice na ito ay para lang siya bigyan ng pagkakataon na ipaliwanag ang kanyang sarili.
Ang epekto lang dapat ng hindi niya pagbibigay ng kaukulang paliwang ay ang pagsuko niya ng karapatan na idaan sa proseso ang lahat. Isa lang itong waiver at hindi dapat ituring na wilfull disobedience. Isa pa, sabay na inilabas ng PCSI ang notice of termination at ang notice to explain. Ang mga notice ay naipadala kay Pinky bago pa nito maipaliwanag ang kalituhan at pagkainis sa magulong takbo ng kanyang kasong administratibo. Wala sa lugar ang ginawang pagtanggal o unlawful dismissal ang nangyari kay Pinky kaya nararapat lang siyang bayaran ng separation pay, backwages, benepisyo sa Provident fund, 14th month pay at attorney’s fees na katumbas ng 10% ng award (Sta. Isabel vs. Perla Compania de Seguros Inc., G.R. No. 219430, November 7, 2016).