Tulad ng inaasahan, kinakain ng alon ang fake white sand beach sa kalahating kilometro ng Roxas Boulevard, Manila. Hindi mapipigilan ng pagsa-sandbag sa paligid ang pagkaubos ng pinulbos na dolomite. Maglalaho ang P400 milyong ginasta ng Department of Environment and Natural Resources. Alam ng mga Pilipino sa 7,641 isla natin na gan’un ang dagat. Mainam sana kung tinamnan na lang ng bakawan ang buong 190-kilometrong pampang ng Manila Bay, mula Bataan hanggang Cavite. Nagka-pagkain pa sana ang madla. Punung-puno ng “nilad”, specie ng bakawan, ang sinaunang siyudad, kaya Maynilad ang tawag.
Pinahahabla ng mga environment lawyers at mangi-ngisda ang mga nagpakana ng fake white beach. Limang batas ang nilabag:
(1) Environmental Impact Systems Law. Maseselang pook ang pinanggalingan ng dolomite sa Cebu at pinag-tambakan na Manila Bay. Tumapon ang dolomite sa corals sa pagkarga sa barges, at dagdag dumi lang sa Manila Bay. Pero wala itong environmental impact survey.
(2) Fisheries Code. Bawal maglagay sa dagat, lawa o ilog ng makapipinsala ng halaman, hayop, tao, at kapaligiran. Parusa: P15,000 multa kada araw na paglabag, at 12 taong bilanggo.
(3) Clean Water Act. Bawal maglagay ng anoman sa dagat, lawa, ilog o paligid na ikakalat ng tubig. Parusa: P400,000 multa, 10% dagdag kada dalawang taon, at suspensiyon o pagsara ng salaring kumpanya.
(4) National Cultural Heritage Act. Historical landmark mula 2012 ang kahabaan ng Roxas Blvd. sa Intramuros, Manila, hanggang Cultural Center, Pasay. Hindi ipinagpaalam ang proyekto sa National Historical Commission. Parusa: P400,000 multa, at 10 taong kulong.
(5) Local Government Code. Dapat prinesenta muna ang proyekto sa public hearings ng Manila city council at Cebu provincial board dahil sa epekto nito sa klima, halaman, hayop, at tao, at pagkaubos ng likas na yaman. Walang pahintulot ng dalawang LGU ang fake white sand beach.