Hindi na dapat patagalin pa ang pagpapatayo ng mga kinakailangang istruktura upang tayo’y maproteksyunan sa elemento. Itong nakaraang Bagyong Ulysses, muling naipamukha sa atin na anumang oras ay maari tayong mabura sa mundo.
Ang mapait ay ang masalanta hindi lamang ng bagyo kung hindi pati na rin ng sarili nating kapabayaan. Alam natin na ang naganap na pagbabaha sa Marikina at sa norte sa Cagayan ay hatid na rin ng pagpapakawala ng tubig mula sa ating mga Dam nung kasagsagan ng bagyo. Tama man ang stratehiya ay mali naman ang oras ng pagpapatupad.
Malaking bagay din na pinabayaan lang ang patuloy na pagpuputol ng puno sa mga lugar na dapat ay sasangga sa mga tubig ulan.
Oras na talagang pag-isipan ng malalim ang susunod nating mga kilos. Sa hearing sa Senado ng budget ng DPWH, muling napag-usapan ang planong magtayo na ng Dam sa Marikina-Montalban river. Iyun namang 1970s pang naiplano na Parañaque spillway ay uumpisahan na rin.
Malalaking proyekto ang dalawang ito, pati na rin ang lalong pagpapatibay ng mga gilid ng Pasig river. Tama rin na ma-budgetan ang pagtanim ng mga puno upang mapalitan ang mga pinutol na. Mabigat man ito ay hindi natin matatakasang gastusan. Gaya ng abiso ng tanyag na Urban planner na si Arch. Felino “Jun” Palafox, mas mahal ng abot 90% ang gagastusin kapag remedyo ang papasukin matapos ng disgrasya. Mas murang paghandaan bago ito mangyari.
Sa raming trahedyang naranasan ng Pilipino hatid ng mga bagyo at kalamidad, lalo na ang Metro Manila na ang mga baybayin ay madaling maaanod ng pagtaas ng tubig, kailangan talagang mag-invest sa ganitong mga proteksyon nang hindi matangay ng malakas na agos ng disgrasya.
Marami nang magandang nagawa ang administrasyong Duterte. Kung maging bahagi ng kanilang pamana ang mga proyektong sisiguro sa ating kaligtasan, tiyak na lalo silang pasasalamatan.