AYON sa RTC, walang pag-aalinlangan na napatunayan ang sumusunod na sirkumstansiya: (1) siya ang huling taong kasama ni Anita bago ito nawala. (2) tumakas siya at itinago ang katauhan nang malaman na siya ang pangunahing suspek, (3) ayon sa awtopsiya, ang pagdurugo ng utak ang ikinamatay ng babae pero may bahid din ng dugo at punit ang ari nito, (4) hindi hadlang ang alibi ng akusado na umuwi siya matapos manood ng telebisyon at naroon ang posibilidad na nagpunta siya sa pinangyarihan ng krimen.
Ang desisyon ng RTC ay kinatigan ng Court of Appeals (CA). Ayon sa Supreme Court, sapat ang inilatag na mga sirkumstansiya para patunayan nang walang pag-aalinlangan na ginawa ni Berting ang krimen dahil (a) higit sa isa ang sirkumstansiya, (b) napatunayan na totoo ang mga detalyeng inilatag, at (c) ang kombinasyon ng mga sirkumstansiya ay sapat para magkaroon ng hatol na walang pag-aalinlangan ayon sa Section 4, Rule 133, Rules of Court. Hindi raw sapat ang pagtanggi ni Berting para kontrahin ang ebidensiyang inihain ng prosekusyon. Kahit pa sinang-ayunan ng kapatid niyang si Lando ang kanyang mga pahayag ay hindi naman maitatanggi na ang unang sinabi ni Lando ay hindi siya kasama ni Berting na umuwi nang gabing nangyari ang insidente.
Kahit pa sabihin na kinse anyos lang si Berting nang ginawa niya ang krimen, alam na niya ang ginawa at pinagplanuhan ang nangyari. Hindi siya makakalusot alinsunod sa Section 6, RA 9344. Una ay ginawa niya ang krimen sa isang liblib na lugar. Pangalawa, nang malaman niyang siya ang suspek, tumakas siya. Pangatlo, base sa pakikipag-usap niya sa social worker na may hawak ng kaso, alam at naiintindihan niya ang magiging parusa ng ginawa. Panghuli, napatunayan ng NBI na pinagsamantalahan si Anita at ginamitan ng dahas.
Idagdag pa na dahil 30-anyos si Berting nang mahatulan hindi na kailangang suspendihin ang hatol sa kanya ayon na rin sa Sec. 38 in rel. Sec. 40, RA 9344. Pero dahil minor siya nang gawin ang krimen, ikukunsidera pa rin itong mitigating circumstance na makababawas sa hatol kaya ang parusa ay pagkakulong ng 10 taon, 1 araw hanggang 17 taon at 4 na buwan (People vs. ZZZ, G.R. 228828, July 24, 2019.)