Mukhang sumisikip na ang mundo ni Wong Ching Yin alyas David Wong, ang akusado sa P3.2 bilyon investment anomaly na ang biktima ay ang negosyanteng si Valerie Gaisano-Sebastian, ng Gaisano family sa Cebu. Itong si Valerie kasi mga kosa ay lumapit na kay NBI director Eric Distor para ialerto ang INTERPOL para ma-isyuhan ng Red Notice si Wong na nagtatago sa Taiwan. May nakapagsabi kay Valerie na si Wong ay nasa Taiwan at nararapat lang na masukol na ito at mapa-deport sa Pinas para managot sa syndicated estafa na isinampa laban sa kanya at iba pang akusado sa Cebu Regional Trial Court. Si Wong ay nagtatago sa batas noon pang 2019. Dipugaaaa!
Para ganahan naman ang sinumang makakatulong para maaresto si Wong, aba nag-alok ng P2 milyon reward si Valerie sa impormasyong makakatulong sa paghuli sa kanya. Siyempre, magiging madali na ang trabaho ng NBI kapag tumulong ang publiko sa paghanap kay Wong dahil sa reward, di ba mga kosa? Tsk tsk tsk! Kaya sa mga kosa ko diyan sa Taiwan, pagkakataon n’yo na itong maging milyonaryo. Simple lang ang gagawin n’yo, ituro ang lugar kung saan naglulungga si Wong. Get’s n’yo mga kosa ko sa Taiwan? Dipugaaaa!
Nanawagan naman ang Gaisano family kay Wong at iba pang opisyales ng DW Capital Inc., na sumuko na at harapin ang kasong isinampa laban sa kanila kung naniniwala silang inosente sila. Sa totoo lang, seryoso ang pamilya Gaisano sa kaso at tinututukan nila ito hanggang makamtan nila ang hustisya.
Habang pursigido naman ang pamilya Gaisano na maipakulong si Wong at mga kakutsaba niya, walang namang ginawa itong huli kundi magsagawa ng delaying tactics sa korte para guluhin ang kaso. Kung anu-anong motion na ang isinampa ng kampo ni Wong sa Korte Suprema, at ang malungkot n’yan napagbigyan ang ilang kahilingan niya.
Gayunpaman, naniniwala pa rin ang Gaisano family na may hustisya sa Pinas kaya’t hindi nila inalintana ang inisyal na pagpabor kay Wong ng Korte Suprema. Sa tulong ni Distor at mga tauhan niya, malakas ang paniwala ng Gaisano family na pasasaan ba’t mahulog din sa kamay ng batas si Wong at kakutsaba n’ya. Dipugaaaa! Abangan!