Nais ipaalis ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta ang mga krus o krusipihong nakasabit sa mga silid ng mga ospital. Ibig niya na ilalagay lamang ang mga ito kung gusto ng pasyente. Ibig sabihin, “optional.” Isang panukalang batas ang inihain ng Kongresista kaugnay nito.
Mayorya o karamihan sa mga Pilipino ay mga Katoliko at iba pang sektang Kristiyano na nagpapahalaga sa mga sagisag ng kanilang pananampalataya. Ang panukalang batas ni Marcoleta ay tandisang pag-atake sa pananampalataya ng mga nakararaming Pilipino. Isa pa, maraming pagamutan ang pinalalakad ng Katoliko at nakapangalan pa sa mga santo.
Kaya inulan ng batikos si Marcoleta mula sa mga mamamayang nagpapahalaga sa kanilang pananampalataya dahil sa isinusulong niyang House Bill 4633. Alam natin na si Marcoleta ay kasapi sa Iglesias ni Cristo (INC) na hindi naniniwala sa mga pisikal na simbolo ng relihiyon. SIguro naman, kahit ang mataas na pamunuan ng INC ay hindi papabor sa ipinapanukala ng mambabatas.
Iginagalang natin ang ano mang relihiyon at ang kalayaang pumili ng pananampalataya ay ginagarantiyahan ng Konstitusyon. Pero nakasaad din sa Konstitusyon ang separation of the church and state. Ibig sabihin, kung ikaw ay mambabatas, anuman ang religious belief, huwag mong bayaang maimpluwensyahan nito ang iyong inaakdang batas.
Kaya hindi dapat sumaklaw ang dikta ng kanyang pananampalataya sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang mambabatas ng taumbayan. Hindi lamang siya kinatawan ng INC kundi ng mga Pilipino ano man ang relihyon. Ang katuwiran ni Marcoleta “ang krusipiho ay isang simbolo na hindi naman pinaniniwalaan ng lahat at tila pagbalewala ito sa pananampalataya ng iba.”
Si Marcoleta ay isa sa mga mambabatas na nagtutulak na i-take-over ng gobyerno ang pasilidad ng ABS-CBN matapos hindi maaprubahan ang panibagong prangkisa nito.