SA mga kababaihan, kung mayroon kayo ng mga sumusunod na sintomas, ipinapayo ko na magpatingin sa doktor:
1. May bukol sa suso, kahit gaano kaliit
Mga 10% ng mga kababaihan na may bukol sa dibdib ang nagkakaroon ng kanser. Minsan, normal na may mga bukol sa suso na nagsama-sama (tinatawag na fibroadenoma), o kung minsan ay cyst lamang. Karaniwan na nagkakaroon ng mga maliit na bukol kung parating na ang regla.
Pero kung hindi ka sigurado sa sanhi ng bukol, kinakailangan magpatigin sa surgeon o doktor. Dahil ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng babae sa kanser ay breast cancer.
2. Abnormal na pagdurugo
Maraming bagay ang nakaaapekto sa regla ng babae, tulad ng pagbaba ng timbang, sobrang ehersisyo at stress. Madalas na kusa itong bumabalik sa normal at hindi na kailangang gamutin. Ngunit kung ang iyong regla ay patuloy na hindi regular, malakas o mas tumatagal ang pagdurugo, dapat nang kumunsulta sa OB-Gyne.
Kung may pagdurugo pagkatapos ng pagtatalik, o sa pagitan ng iyong regla, magpa-check-up din. Kung naranasan ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause, maaaring isa itong tanda ng kanser.
3. Hindi normal na discharge
Ang normal na discharge mula sa puwerta ay malinaw o puti ang kulay at walang amoy. Pero kung ang discharge ay kulay dilaw, brown o pula, at may mabahong amoy, maaaring tanda ito ng mga sakit. Ang kadalasan dahilan ng ganitong discharge ay impeksiyon tulad ng bacterial vaginosis o thrush, at mga STD tulad ng chlamydia, gonorrhea, herpes o trichomoniasis.
Kung hindi magamot ang STD ay maaaring humantong ito sa pelvic inflammatory disease impeksiyon sa reproductive organs, na maaaring maging malubha at mawalan ng kakayahan na magbuntis ang babae. Posible rin na kanser sa cervix (kuwelyo ng matris) ang dahilan ng abnormal na discharge. Kumunsulta sa OB-Gyne.