Nakatitiyak ba sila na maliligtasan ito
Natuklasan ng Kastila ang pagtatag sa Katipunan dahil sa kumpisal ni Teodoro Patiño sa prayle. Nagsimula lahat sa inggit sa dagdag-sahod na P2 ng kapwa-Katipunero na katrabaho niya sa imprenta. Sinuplong ang mga lider. Napilitang magtipon ang mga Anak ng Bayan sa Pugad Lawin at isinigaw ang Himagsikan kahit hindi pa handa. Makalipas ang dalawang taon, nanaig ang rebolusyon. Si Patiño ay tinuring na traydor.
Ambisyosong intrigador si Abogadong Pedro Paterno. Namagitan siya kay Spanish Governor General Primo de Rivera na itapon sa Hong Kong si Presidente Emilio Aguinaldo nu’ng 1897. Kapalit nu’n hiningi niya na maging duke, iupo sa Senado sa Madrid, at pabuyang isang milyon Mexican dollars. Hindi ibinigay. Balik siya kay Aguinaldo hanggang maging pinuno ng Gabinete. Nu’ng dumating ang Amerikano lumipat na naman siya ng panig. Ipinagkanulo niya sina Aguinaldo at sumapi sa Philippine Assembly. Namatay siyang nagtatae sa cholera nu’ng 1911.
Binuo nina Artemio Ricarte, Pio Duran at Benigno Ramos ang Makapili (Makabayang Katipunan ng Pilipino). Propagandista at espiya sila ng Japanese occupation. Libu-libong makabayan ang ipinahuli, torture at patay sa manlulupig. Matapos ang giyera isa-isang pinatay ang mga Makapili ng natirang gerilya at kamag-anak. Kinamit ang hustisya.
Ngayong may sigalot na dulot ng COVID-19 may mga pinunong sumusunod sa maruming yapak nina Patiño, Paterno, Ricarte, Duran, at Ramos. Habang tulung-tulong ang mga nagmamahal sa bayan na iambag ang salapi at talino para magapi ang pandemya, sinasamantala ng mga tuso ang pera ng bayan. Ninanakaw ang ayuda na para sa maralita; kumi-kickback sa overpriced na binibili ng gobyerno pang-emergency; inaabuso ang maliliit para umasenso sa puwesto. Akala ba nila espesyal sila na makaliligtas sa impeksyon at kamatayan para ma-enjoy ang ninakaw? At kung sakali ngang makalusot, akala ba nila wala nang paghuhusga ang kasaysayan at ang Panginoong Diyos ng tadhana?
- Latest