EDITORYAL - Daming sasakyan sa kalsada kahit bawal
Nagrerelaks ang Highway Patrol Group (HPG) at maski ang Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil dumadagsa na ang mga sasakyan sa kalsada at hindi sinisita. Paglabag ito sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatutupad sa Luzon sapagkat ang pinapayagan lamang ayon sa guidelines ay mga nagta-transport ng pagkain at gamot, ambulansiya, media people, health workers, at iba pang accredited vehicle. Maliban sa mga ito, wala nang papayagang makayaot sa mga lugar na sakop ng ECQ. Maski ang mga pampublikong transportasyon ay suspendido. Unang isinailalim sa ECQ ang Luzon noong Marso 16 na matatapos sana noong Abril 14 subalit ini-extend ni President Duterte hanggang Abril 30, 2020.
Noong Martes, nagkabuhul-buhol na naman ang trapik sa South Luzon Expressway (SLEX), Alabang at bahagi ng EDSA. Kumalat sa social media ang usad-pagong na trapiko sa SLEX (North bound). Walang ipinagkaiba sa trapik na nararanasan noong wala pang pandemic crisis. Buhul-buhol at inabot ng ilang oras ang trapik.
Ganundin ang trapik sa Alabang na umabot hanggang Tunasan, Muntinlupa. Ayon sa report, dahil daw sa checkpoint kaya nagka-trapik. Single line lang lane kaya usad-pagong. Ang nakapagtataka, bakit ang daming sasakyan.
Pati sa bahagi ng EDSA ay dumagsa rin ang mga sasakyan. Dati, pailan-ilan lang ang sasakyan dahil sa ipinatutupad na ECQ pero kumapal at wala namang ginagawa ang MMDA at HPG para sitahin ang mga lumalabag.
Ang ilang sinita sa SLEX, nagsabing akala raw nila ay tapos na ang lockdown dahil Abril 14 na kaya lumuwas sila. Katwiran naman ng mga sinita sa EDSA, lumabas lang sila para bumili ng gamot at pagkain pero nakapagtataka na apat ang laman ng kotse. Halatang nagpapalusot lang.
Nararapat maghigpit ang HPG at MMDA sapagkat mababalewala ang ipinatutupad na ECQ. Sayang ang ipinatutupad na social distancing sapagkat kahit sa mga pribadong sasakyan, dikit-dikit din ang laman. Ipatupad nang buong higpit ang nakasaad sa guidelines para matapos na ang problema sa COVID-19.
- Latest