SA mga trahedyang tulad ng pagputok ng bulkan, malakas na lindol, bagyo at iba pa, maraming paraan upang maging biktima. Hindi lamang ang mga direktang natabunan, nabagsakan, nabaha ang kawawa. Ang epekto ng kalamidad ay lalawak at lalawak ang abot. Mga mapipilitang lumisan ng pamamahay; mapuputulan ng tubig at kuryente; mauubusan ng pagkain.
Sa kabanata nitong huling pagputok ng Bulkang Taal, nakita natin kung paanong ang ating mga kababayang sakop ng danger zone ay sapilitang inilayo sa peligro sa pamamagitan ng lockdown. Ang ganitong hakbang ay sinadya ng pamahalaan kahit taliwas sa kagustuhan ng tao. Ang katwiran ay para rin ito sa kanilang kabutihan at kapakanan. Subalit biktima pa rin sila dahil nililimitahan ang kanilang layang makagala at balikan ang kanilang mga pag-aari.
Ang hirap ipatupad ng lockdown. May lockdown na pinagbabawal ang lumabas – gaya ng nangyayari sa Wuhan, China kung saan minamanmanan ang paglayag ng mga residente nang makontrol ang pagkalat ng bagong Coronavirus na roon nagmula. Lockdown din ang pagbawal na pumasok, tulad ng nagaganap sa Batangas nitong nakaraang linggo kung saan, man to man guarding ang pagharang sa mga nais magsibalik sa kanilang mapeligro pang komunidad.
Sa TV ay nakita natin kung papaanong halos maghuramentado ang mga residente na kaunting payapa lang ng bulkan ay hindi na makapaghintay na magsibalik. Kahit pa nakataas ang alert level 4 at hindi maalis ang posibilidad ng mas malakas pagsabog, tuloy ang pasaway nilang pakikipagtalo. Para silang mitsang sinindihan at lumalakas ang loob lalo na nang makaramdam na marami-rami silang lumalaban. Ganito rin ang eksena sa ilang lugar sa Wuhan.
Malinaw na hindi lamang tao ang nakakawawa sa kalamidad. Mahirap man tanggapin, ang isa sa unang biktima ng ganitong kamalasan ay ang mismong mga tanikalang nagtatagpi sa atin bilang sibilisadong lipunan: Disiplina, patakaran, batas. Kabilang ang peligrong ito sa mga dapat tutukan ng mga namumuno sa panahon ng trahedya.