Tradisyon

MAHIRAP talikuran ang mga tradisyon. Hindi puwedeng basta patigilin ang mga tao na gawin ang mga bagay na nakagisnan na taun-taon. Isa sa mga ito ay ang pamamaalam sa patapos na taon at ang pagsalubong sa Bagong Taon sa pagtuntong ng alas dose ng hatinggabi ng ika-31 ng Disyembre. Lahat ng klase ng ingay na magagawa lalo at gamit ang mga paputok at sinisindihang lusis o ang tinatawag natin na pyrotechnics.

Una sa lahat ay hindi naman ito masama. Base sa mga kuwento ng unang panahon at sa mga nakagisnan natin na alamat ay talagang gumagawa ng ingay sa pagsalubong ng Bagong Taon para paalisin ang masasamang espiritu at pangtanggal daw ng malas, para anumang sakuna at kalamidad na nangyari sa nakaraan ay hindi na umulit pa sa mga susunod na taon. Mas malakas daw ang ingay ay mas mapapalayo ang mga ito.

Pero sa kabila ng pag-iingat at mga babala, mataas pa rin ang antas ng sakuna at disgrasya tuwing Bagong Taon. Lalo pa itong pinalala ng mga sibilyan at pulis na walang habas na nagpapaputok ng baril sa gitna ng kasayahan. Dahil sa nakakatakot na mga pangyayaring ito kaya pinatupad ang RA 7169 na nagbabawal sa paggawa, pagbebenta, pamamahagi at paggamit ng ipinagbabawal na paputok at iba pang pyrotechnics. Mahigpit na babala ang ipinatutupad sa mga lalabag dito. Pero tulad ng ibang batas ay mas natutuwa tayong labagin imbes na respetuhin ito lalo na tuwing bisperas ng Bagong Taon na parang hindi sila nakikita ng mga alagad ng batas.

Iyon nga lang, napakahirap kasi na hindi sundin ang nakagisnang tradisyon lalo at isang kumpas lang ng ballpen ng mambabatas ang nagbawal nito at bahala na ang mga pulis na humuli sa kanila. Pero para sa ating mga Pilipino, mas mainam na tingnan natin ang mas mahalagang aral  na nakapaloob sa paggawa ng ingay sa Bagong Taon at hindi basta ang panlabas na pagsunod sa kuwento at alamat. Sa mas espiritwal na pagtalakay sa Bagong Taon, makikita na ito ang ika-pitong araw mula sa Pasko. Ang huling araw ng kalendaryo na aalalahanin natin ang misteryo ng kapanganakan ng Poong Jesus. Si Jesus “ang salita na naging tao”. Sa sumunod na araw, ang mismong araw ng Bagong taon ay inaalala naman natin ang Poong Maria na naging ina ni Jesus. Siya na pumayag at nagsabi ng “oo” sa Ama ang mismong dahilan kung bakit tayo nagkaroon ng Pasko. Kaya dapat na itutok natin ang ating mga puso’t isipan sa mga mensahe ng kapanganakan ni Kristo at sa pagbabasbas na ating tinamasa sa pagpasok ng bagong taon.

Parang napakahaba ng taong 2019. Lalo sa mga biktima ng kalamidad at delubyo tulad ng matinding paglindol sa Mindanao, Samar at Cagayan – Isabela na nagdulot ng matinding pinsala sa mga kabahayan at kumuha ng buhay ng napakaraming tao. Andyan din ang laging pananalasa ng mga bagyo na nag-iwan ng sangkatutak na tao na walang bahay at tirahan. Matindi talaga ang disgrasyang dulot ng pananalasa ng kalikasan at parte siguro tayo ng dapat sisihin dahil hindi natin iningatan ang kapaligiran kaya hindi tayo handa sa pagsapit ng mga sakuna kahit pa nasa tinatawag tayong “typhoon belt”. Kaya tulad ng dati, sasalubungin natin ang 2020 ng may pasasalamat dahil tapos na ang mga sakuna.

Masayahin tayong mga Pilipino at lagging positibo ang pananaw sa buhay. Lagi tayong nakakahanap ng dahilan para magpasalamat para sa taong matatapos at lagi tayong umaasa sa kung anumang ibibigay ng taon na darating kahit ano pa ang pagsubok o trahedyang naranasan natin. Ang positibo nating pananaw ay dulot ng matibay nating pananampalataya sa diyos lalo ang nagmamahal sa kanya, na sa lahat ng bagay ay gumagawa siya ng paraan para sa ating ikabubuti at ayon sa kanyang plano ayon na rin sa pahayag sa Romano 8:28. Lagi tayong makakabangon at makakapagtiis sa lahat ng pagsubok at paghihirap sa buhay dahil kaya ito hinahayaang mangyari ng Panginoon ay para sa ating kapakanana at para sa lalong kabutihan sa turo naman ni Santo Josemaria Escriva.

Ang lahat ng bagay ay para sa lalong makabubuti ay tamang slogan para sa taong ito. Ang kabutihan sa lahat ng bagay ay mangyayari lang kung gagawa tayo ng paraan para matigil na ang kasamaan at mga mali sa paligid natin. Dapat din tayong gumawa ng mga hakbang para magpatuloy ang masayahin at positibo nating pananaw sa buhay.

Una, dapat nating paghandaan ang mga sakuna o tinatawag na “disaster preparedness”. Dapat sumunod at makinig tayo sa mga aparato tulad ng “storm tracker/early warning device” lalo sa dadaan ng matinding bagyo at agad tayong maghanap ng ligtas na lugar na masisilungan bago tumama ang kalamidad.

Dapat did na humingi ng tulong sa mga eksperto ang ating gobyerno sa paggawa ng mga bahay na ligtas sa bagyo (typhoon resistant shelters) na papalit sa ating mga lumang bahay imbes na mawasak o anurin pa ng bagyo ang mga ito. Dapat din na magtalaga ng relokasyon na permanente para sa mga squatter na nakatira sa mismong daan ng panganib o danger zones.

Kailangan din natin ng totoo at epektibong batas para sa proteksyon ng kalikasan o kapaligiran. Hindi sapat ang pakitang gilas na pagsasalita at pagtawag ng press para pakinggan ang mga imbestigasyon sa kalamidad tuwing tapos na ang kalamidad. Pagkatapos ng imbestigasyon ay dapat na may kongkretong aksyon.

Panghuli, dapat na bigyan ng atensyon ng administrasyon ang problema sa katahimikan imbes na puro tungkol lang sa droga at korupsyon. Sa ganitong paraan lang tayo magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan.

Muli, pinababatid namin ang Sison’s Greetings, Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat !!!    

Show comments