Ayaw sumali ni President Rody Duterte sa selebrasyon ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021. “Isinailalim tayo sa sampalataya sa pamamagitan ng sibat,” singhal niya sa imbitasyon ng kaibigang obispo. Kolonyalismo ang isyu ni Duterte laban sa Kristiyanismo. Sa ngalan ng relihiyon nilupig ng Kastila ang kapuluan simula Marso 16, 1521. Nu’ng una nagwagi ang mga katutubo nang patayin ni Lapulapu si Magellan. Pero sa mga sumunod na siglo sinupil ng Kastilang prayle at sundalo ang kalayaan, winasak ang panitikan, at inalipin ang mga Pilipino.
May isa pang rason kung bakit hindi dapat paboran ng Presidente ang anomang relihiyon. Ito ang prinsipyo ng “Separation of Church and State” na nakasaad sa Konstitusyon (Article II, State Principles, Section 6). Bagama’t maaring lumahok sa pulitika ang indibidwal na pari o ulama, hindi maaaring magtaguyod ang gobyerno ng partikular na sampalataya. Katuparan ‘yon ng isa sa apat na batayang karapatan: ang malayang pananampalataya. Malungkot na malimit labagin ang prinsipyong ito. Maraming piyesta opisyal na batay sa mahahalagang events ng Kristiyanismo at Islam. Nasa Preamble na may Diyos, subalit Siya ay pangkalahatan at hindi lang ng iisang sekta. Pero sa maraming ahensiya ay nagdadaos ng Misa, gamit ang pasilidad, kuryente, tubig ng gobyerno. Mali!
“Sarado-Katoliko” ako na nagsisimba’t Komunyon, pero nahihiya ako na isinasara ng mayor ang kalahati ng national road para sa prosisyon sa piyesta ng santo patron ng munisipyo. Mali rin kung nag-a-appoint ng opisyal sa gobyerno dahil sa bulong ng isang iglesia.
Batay sa “Separation of Church and State,” mali rin na binabanatan ni Duterte ang mga turo ng Kristiyanismo, tulad ng Creation at Komunyon. Sa pagbatikos niyang ‘yon, kuwenta isinusulong niya sa madla ang sarili niyang relihiyon, anoman ‘yon. Siya ay Head of State, kaya hindi dapat nagtataguyod sa publiko miski ng sariling iglesia.