SA tindi ng labanan, nakubkob ng mga gerilyang Pilipino ang taguan ni Gen. Tomoyuki Yamashita sa kagubatan ng Kiangan, Ifugao. Ilang oras ang lumipas bago nila nakilala ang hepe ng Japanese Imperial Army sa Timog-Silangang Asya. Kinabukasan, isinalin siya ng mga gerilya sa US Army na may pormal na kampo, mga sasakyan, at karsel. Agad naglatag ang mga Amerikano ng mga mesa, upuan, papel, at pluma. Tinawag ang mga army at press photographers. Pinapirma si Yamashita ng pormal na pagsuko sa Amerika ng kanyang samurai sword.
Ibinandera sa mundo na tapos na ang giyera sa rehiyon dahil umano sa galing ng mga sundalo at opisyal ng Amerika. Linitis at binitay si Yamashita. Natabunan ang katotohanan na natimbog ang tinaguriang Tiger of Malaya dahil sa tapang at sigasig ng mga gerilyang Pilipino. Hindi dapat hayaang sulatin ng dayuhan ang kasaysayan natin.
Hindi ‘yon ang unang pagkakataon na nagpabida ang Amerika sa pamamagitan ng pagbago ng kasaysayan. Nu’ng 1898 napapaligiran na ng Katipunan ang mga Kastila sa Intramuros. Wala nang pagtatakasan ang mga pinunong sibil, militar, at simbahan, dahil ilog at dagat ang nasa likod ng kuta. Sa bungad ay nakakubli sa trenches, hanggang Pasay, ang mga rebolusyonaryong Pilipino sa ilalim ni Hen. Pio del Pilar.
Nagmakaawa ang mga Kastila sa Amerika. Tulad ng sa Cuba, anila, hindi sila susuko sa mga indio kundi sa kapwa Puti. Kaya agad nagkunwaring nagdigma ang mga barko nina Kastilang Admiral Montojo at Amerikanong Commodore Dewey sa Manila Bay.
Sinabihan si Philippine President Emilio Aguinaldo, na inarmasan ni Dewey, na awatin ang mga tauhan niya sa paglusob sa Intramuros. Nagngingitngit na nanood na lang si Del Pilar sa pagmartsa ng batalyong Amerikano. Hindi naglaon, natanaw nilang ibinababa ang bandila ng Espanya at itinataas ang sa Amerika sa Intramuros. Ibinalita sa mundo na tinalo ng Amerika ang Espanya. Sa totoo, Pilipinas ang gumawa niyon.