ANG mga empleyado ng korte ay inaasahan na kumilos ng may dignidad at ayon sa pamantayan ng moralidad maging sa kanilang propesyonal o personal na buhay dahil sila ang inaasahan na magpatupad ng hustisya sa lipunan. Dapat na iwasan nila ang anumang bagay na makasisira sa dangal at dignidad ng korte.
Ang kahiya-hiya nilang kilos ay maaaring humantong sa kanilang pagkakasuspinde o kaya naman ay pagkatanggal sa trabaho. Pero paano malalaman kung sususpendihin o sisibakin sila sa puwesto? Ito ang ipaliliwanag sa kaso ngayon.
Isang seaman si AA at asawa niya si BB. Mayroon silang dalawang anak na sina CC at DD. Nagtatrabaho naman sa korte bilang stenographer si BB. Habang nasa ibang bansa, napapansin na ni AA ang kakaibang kilos ni BB. Hindi niya matawagan ang misis sa pagitan ng alas nuwebe hanggang alas diyes ng gabi. Ang mga anak lang nila ang sumasagot sa telepono.
May mga balita rin na nakikita ang misis niya sa kung saan-saang lugar sa dis-oras ng gabi. Umuwi si AA ng Pilipinas na hindi nagsasabi sa kanyang asawa. Pagdating niya ng bahay ay nadatnan niya na wala ang misis. Ang mga anak niya ay kumakain lang ng pagkain na inutang sa tindahan at halatang hindi naaalagaan.
Nadiskubre rin niya na maraming alahas ang nawawala at nang maghalungkat siya sa bag ng asawa, nakakuha siya ng isang camera na may litrato ng hubad-barong lalaki. Nalaman niya sa mga anak na EE ang pangalan ng lalaki at nahuli pa raw nila na hinahalikan nito si BB sa loob ng kuwarto.
Makalipas ang tatlo hanggang apat na araw, nag-text si AA kay BB at sa wakas, sumagot na ang babae. Nagkita sila sa isang fastfood at inamin ni BB kay AA ang relasyon nito sa kalaguyong si EE.
Nakumpirma pa ni AA ang relasyon ng dalawa dahil sa isang police report na nakuha niya tungkol sa pagkasangkot nina BB at EE sa isang aksidente sakay ng isang sasakyan ng hatinggabi.
May litrato pa na nakuhanan ang dalawa na halatang lasing at natutulog sa sasakyan.
Kalaunan, hiniwalayan ni AA si BB at isinama niya ang mga anak. Nagsampa rin siya ng kasong administratibo para sa kasong immoralidad sa Office of the Court Administrator (OCA) laban sa misis at sa kabit nito na si EE.
Noon ay tumaas pa ang ranggo ni BB at naging Clerk III sa RTC pagkatapos matanggal bilang stenographer sa MTC. Si EE naman ay nasibak na bilang Sheriff dahil sa pagiging AWOL.
(Itutuloy)