LABINGSIYAM na araw lang naging co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) si Vice President Leni Robredo at inalis na siya ni President Duterte. Nobyembre 6 nang tanggapin ni Robredo ang alok ng Presidente. Isang memorandum ang inilabas ng Malacañang noong Oktubre 31 na nag-a-appoint kay Robredo sa ICAD na halos katulad din ng papel ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Pero noong Linggo, inihayag ng Malacañang na sinisibak na si Robredo.
Bago ang pagsibak, una nang sinabi ni President Duterte na hindi niya pinagtitiwalaan ang Vice President. Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sinayang ni Robredo ang pagkakataon para mapagkaisa ang administrasyon at oposisyon. Sabi pa ni Panelo, kung seryoso si Robredo sa paglutas sa problema sa droga, dapat nakikipag-usap siya sa mga biktima o sa mga pamilya ng mga ito. Pero sa mga opisyal ng United States at United Nations siya nakikipag-usap. Sinisiraan umano ng Vice President sa mundo ang bansa. Ito ang mga dahilan kaya sinibak siya ng Presidente.
Wala pang napapatunayan si Robredo pero inalis na agad sa puwesto. Noong tanggapin niya ang alok ng Presidente, marami ang natuwa dahil magkakaisa na ang administrasyon at oposisyon. Magandang desisyon sapagkat magkakatulungan sa paglutas sa problema ng illegal na droga sa bansa. Sabi pa ni Robredo, papasanin daw niya para pamunuan ang ahensiya. Kung ito raw ang tamang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga dapat mapanagot, kakayanin daw niya ito.
Magpopokus umano siya sa kanyang maiko-contribute para sa drug campaign. Gusto raw niya ay maging maayos ang kampanya laban sa iligal na droga. Gusto niyang matigil ang pagpatay sa mga inosente at mapanagot ang mga abusadong opisyal tulad ng ninja cops at mga nagpapalusot ng toneladang shabu.
Pero nauwi rin sa wala ang lahat. Wala nang maaasahan sa hinamon na Vice President. Mas mabuti kung ipagpapatuloy na lang ng pamahalaan ang paglupig pa sa mga nagpapakalat ng droga. Ang pag-aaway ng administrasyon at oposisyon ay ikatutuwa ng mga sindikato. Mas nag-aaway, mas mayroon silang oportunidad na maikalat ang kanilang masamang negosyo. Paigtingin pa ang kampanya laban sa droga.