EDITORYAL - Asukal naman ang dadagsa sa bansa
SA kasalukuyan, bumabaha ang bigas dahil sa ipinatutupad na Rice Tarrification Law na inaprubahan noong Pebrero. Sa ilalim ng batas, maaari nang umangkat ng bigas ang kahit sino basta’t papasa sa regulasyon ng Department of Agriculture. Punumpuno ng bigas ang mga bodega ngayon at tila wala nang problema sa supply. Pero umiiyak naman ang mga local na magsasaka sapagkat napakababa naman ng pagbebenta ng kanilang aning palay. Luging-lugi sila. Hindi nila nasambot ang ginastos sa pagpapatanim. Puro utang sila ngayon. Kung dati ay naibebenta nila ng P14 bawat kilo ng palay, ngayon ay P9 bawat kilo. Nagtataka sila na mula nang ipatupad ang rice tarrification, bumaba ang presyo ng palay.
Ganito rin ang nakikita kapag dumagsa ang asukal sa bansa na inaasahang mangyayari sa susunod na taon. Isinusulong ng Department of Finance ang liberalization sa pag-iimport ng asukal para umano maibaba ang mataas na presyo sa pamilihan.
Ayon sa economic managers, nararapat na maalis ang mga restrictions sa pag-iimport ng asukal para madagdagan ang supply at kasunod nito ang pagbaba na ng presyo. Kapag nangyari ito, mapapalakas ang competitiveness sa sector ng food manufacturing.
Ayon naman sa National Economic Development Authority (NEDA), magsasagawa sila ng pag-aaral sa pinu-proposed na sugar liberalization sa susunod na taon kung nararapat nga bang ipatupad ito. Sinabi naman ng mambabatas na hindi nila hahayaang maipatupad ang sugar liberalization. Hindi umano ito makatwiran.
Mauulit ba sa asukal ang nangyayaring kontrobersiya sa pagdagsa ng bigas sa kasalukuyan? Paano ang mga manggagawa sa azucarera? Paano ang mga sakada? Sa pagdagsa ng imported na asukal, ang lagi nang talo ay mga local manufacturer. Sino ang bibili ng kanilang produkto kapag bumaha ang asukal? Pigilin ang balak na ito ng economic managers.
- Latest