EDITORYAL - Ipagbawal ang plastic
SA wakas, may Presidente ng Pilipinas na nakapansin sa masamang dulot ng plastic pollution. Sinabi ni President Duterte sa Cabinet meeting noong Miyerkules na pinag-iisipan niya kung ipagbabawal ang paggamit ng plastic. Ang idea na ipagbawal ang plastic ay naungkat dahil sa isang presentation ng Natural Resources Development Corp. ukol sa programa ng gobyerno para sa environment at climate change. Sa presentation, biglang nasabi umano ng Presidente na ipagbabawal ang plastic.
Magandang ideya ang naisip ng Presidente. Panahon na para mawala sa buhay ng tao ang plastic. Plastic pollution ang kalaban hindi lamang ng Pilipinas kundi buong mundo. Ang bagay na nilikha ng tao ay nagbibigay ng problema. Sinisira ang kapaligiran at pati mga lamandagat ay apektado na rin. Buong mundo na ang pumapasan at kung hindi makokontrol ang pagtatapon ng mga plastic.
Dahil sa maling pagtatapon ng basurang plastic, humahantong sa dagat ang mga ito at sa maniwala’t hindi, nakakain ito ng mga isda kabilang ang balyena. Marami nang nabalitang balyena na sumadsad sa dalampasigan at namatay. At nang suriin kung ano ang ikinamatay ng mga ito, napag-alaman na dahil sa mga nakaing plastic na basura. Iba’t ibang uri ng plastic ang nakuha sa bituka ng mga kawawang balyena.
Ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa sa Asia na maraming plastic na basura. Nangunguna ang China at pumapangalawa ang Indonesia. Katibayan na maraming basurang plastic sa karagatan ng Pilipinas ay ang mga nakukuha sa Manila Bay.
Sa pag-aaral na ginawa, tinatayang 437 million hanggang 8.3 billion plastics ang inaanod sa mga coastline sa buong mundo. Sa baybaying dagat ng America, tinatayang 7.5 million plastics ang nakatambak at maski ang mga namumuno roon ay problemado sa mga basurang plastic.
Iisa ang solusyon para mawakasan ang problema sa plastic pollution. Magkaisa ang mga bansa na ipagbawal ang paggamit ng plastic. Sa Bangkok, Thailand ipinatutupad na ang pagbabawal sa paggamit ng plastic bilang lalagyan ng mga gulay at iba pang grocery items. Sa halip na plastic, dahon ng saging ang ginagamit doon.
Ituloy ng Presidente ang plano. Ipagbawal ang paggamit ng mga plastic. Iligtas ang bansa sa mapanganib na plastic pollution.
- Latest