Umakto silang Pangulo nang walang awtoridad

TUWING magpa-Pasko, simula pa noong Commonwealth Period, nagpapalaya ang Presidente ng mga bilanggo. Dinidiyaryo ang listahan ng mga pinatawad sa pagkakasala o pinaikli ang sentensiya. Bawat isa’y masusing sinala ng penologists at psychologists ng Board of Pardons and Parole (BPP). Karamiha’y matatanda, nakulong nang maraming taon at beripikadong repormado na. Ang hustisya kasi ay re­habilitative o nagbibigay ng pagkakataong magbago, kaysa retributive o nagpaparusa.

Nasa Konstitusyon ang poder ng Presidente na magpalaya ng preso: Article VII, Executive Department, Section 19. Hindi dapat kung sinong Juan o Maria lang ang gu­mawa nito, dahil aabusuhin. Pero ang Presidente ay sumusumpa na “magiging makatarungan sa bawat tao.” Ang katarungan ay hindi lang sa naagrabiyado. Ito’y para rin sa akusado na ipinapalagay na inosente hangga’t mapatu­nayang maysala at sa sentensiyado, na tinutulungang ma­ka­pagbagong buhay.

Bago irekomenda ng BPP sa Presidente ang pagpatawad at pagpaikli ng kulong, hinihingi ang pahintulot ng bik­tima at prosecutor na nagsakdal at inaabisuhan ang huwes na humatol. Inaalam kung nagbayad ng ipinataw na danyos. Sa dahilang hindi nagdanyos, naudlot ang pag­laya nu’ng 2008 ni milyonaryong Rolito Go sa salang pagpatay sa estudyanteng si Eldon Maguan.

Sa pagpatupad ng Good Conduct Time Allowance law umaktong Presidente umano sina Corrections bureau chief Nicanor Faeldon at sub na Maria Fe Marquez. Nilantad sa Senate inquiry na pinirmahan ng una ang release ni gang rapist-multiple murderer Antonio Sanchez (naudlot nga lang nang harangin ni President Rody Duterte). Pinakawalan ng huli ang rapists-murderers ng Chong sisters sa Cebu. Wala silang awtoridad gawin ‘yon; hindi nagbayad ng danyos ang mga salarin.

Peligroso mag-usurp ng awtoridad. Nu’ng huling nangyari ito, Enero 2015, 44 na police commandos ang nasawi sa Maguindanao.

Show comments