SA katatapos na World Teachers Day, palagay ko. panahon na upang itaas ang sahod ng ating mga guro. Matagal ko nang isinusulat ito dahil karapatan din nilang makaranas ng taas suweldo tulad ng ginawa ni President Duterte sa mga sundalo at pulis.
Sila ang tumatayong pangalawang magulang ng ating mga anak. Bukod sa ating mga magulang, may partisipasyon sila sa paghubog ng isipan ng ating mga anak na maging matalino, may paninindigan na balang araw silay maging leader ng ating bansa.
Kailangan din talaga nila ang taas suweldo dahil tumataas ang bilihin. Tumbasan din dapat ang kanilang ginagawa araw at gabi. Nagbabasa at gumagawa sila ng report at lesson plan. Ang iba, umaakyat sa bundok at tumatawid ng ilog upang makarating sa paaralang pinagtuturuan. Bukod sa pagtuturo sa ating mga anak sila rin ay nagsisilbi tuwing election.
Kung mataas ang kanilang suweldo, makakapag-focus sila sa kanilang trabaho. Hindi na nila kailangang mag-sideline. Makakapang-akit din ito sa ating mga kabataan na kumuha ng kursong pagkaguro imbes na sila ay pumunta sa ibang bansa dito na lang nila gagamitin ang kanilang pinag-aralan. Hindi pa sila malalayo sa kanilang pamilya.
Hindi na nakakapagtaka kung bakit may kababayan tayong nakapagtapos ng kurso pero umaalis ng bansa at nagpapaalila sa ibang lahi bilang janitor at katulong samantalang kulang tayo dito sa sarili nating bansa. Umaalis ang mga ‘yan dahil mas malaki ang kikitain nila. Tulad ng mga nurse, nagtapos pero sa ibang bansa naninilbihan.
Panahon na upang paalalahanan ang gobyerno na itaas ang sahod sa bansa upang maiwasang mangibang bansa ang ating kababayan. Malaki ang kaalaman nating mga Pilipino sa pananalita ng Ingles kumpara sa ibang Asian country. Kaya Pilipino ang paboritong kunin ng ibang lahi. Let’s take advantage of this.