Paghandaan ang dagsa ng turista mula China

CHINA ang pinaka-mabilis lumago na sanhi ng turista. Sa 2020 mga 160 milyong Chinese ang magbibiyahe abroad, at gagasta ng $315 bilyon. Sa 2022 pinaka-ma­rami na ang Chinese sa mga mag-eeroplano sa mundo.

Kung nais ng Pilipinas makuha ang malaking bahagi ng negosyong turismo, dapat paghandaan ang pagdagsa ng Chinese. At hindi lang airlines at five- o four-star hotels ang dapat umasinta sa kanila. Pati mga nagtitinda ng pag­kain sa kalye, maliliit na resort owners, gawaan ng sou­venirs, at iba’t-ibang serbisyo ay mag-isip ng mga tamang ibebenta sa dayuhan.

Maraming sumubok kumita sa turistang Chinese ang nabigo. Hindi kasi nila nahuli ang kiliti ng mga ito. Pumulot­ ng tips mula sa McKinsey, isang consultancy. Tandaan na sabik sila makakita, makatikim at makaranas ng iba. Ayaw nilang purgahin sila ng puro Chinese food, na marami sa sariling probinsiya. Dapat kakaiba.

Karamihan sa Chinese ay taga-inland at hindi pa nakararanas lumublob sa dagat. Dalhin sila sa libu-libong island resorts sa Pilipinas. Paranasin silang mamingwit, miski sa loob lang ng marina o fishpen. Patikimin sila ng sugpo, kilawing isda at bagoong alamang. Ipakita sa kanila kung paano ‘yun ginagawa, para exotic ang dating.

Marami ring Chinese na malayo ang probinsiya sa Hainan island, kung saan halos katulad sa Palawan ang pananim. Karamihan hindi pa nakakakita o nakaka­tikim ng mangga, buko at saging. Aba’y paakyatin ng puno at hayaan silang magpitas ng sariling kakainin. Turuan silang bumuo ng sumbrero mula sa dahon ng saging, o laruang ibon mula sa dahon ng niyog. Papanoorin sila ng paggawa ng ice cream mula sa mga prutas.

Ilang mga ideya lang ito. Mas marami pang magagawa ang mga matatalas sa negosyo. Importante ilayo ang isip sa pansit at hopia.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments