SA isang oras at kalahating SONA ni President Duterte noong Lunes, mas matagal ang iniukol niya sa pagtalakay sa mga corrupt sa pamahalaan at ang tumitindi pang problema sa illegal na droga. Patuloy aniya ang corruption sa mga ahensiya ng pamahalaan. Binanggit niya ang pagsibak sa 60 opisyal at empleado ng Bureau of Customs na sangkot sa corruption. Ganunman, sinabi niyang mataas ang koleksiyon ng Customs – P585-bilyon sa kabila na batbat ng corruption ang ahensiya. Sabi niya, mas lalo pa raw sigurong malaki ang makokolekta kung walang corruption sa Customs. Sabi pa ng Presidente, ang nalalabi pa niyang term bilang Presidente ay magpapatuloy sa paglaban sa mga corrupt at illegal na droga. Ang dalawang problema ring ito ang dahilan kaya hiniling niya sa mga mambabatas na ipasa ang death penalty. “It pains me to say that we have not learned our lesson. The illegal drug problem persists. Corruption continues,’’ sabi ng Presidente.
Noong nakaraang linggo, ipinatawag pa ng Presidente ang 60 opisyal at empleado ng Customs na sangkot sa corruption. Hindi na binanggit kung ano ang sinabi ng Presidente sa mga ito o kung sinibak na niya sa puwesto. Ayon sa report, bibigyan pa raw ng pagkakataon ang mga ito na maipagtanggol ang sarili sa kinakaharap na kaso. Kailangan daw idaan sa due process kaya bibigyan pa ng pagkakataon sa proper forum.
Tama naman ito pero mas maganda kung papangalanan na ang mga corrupt para magbigay babala na rin sa iba pang gumagawa ng katiwalian sa nasabing ahensiya. Kung ibubulgar ang pangalan, tiyak na magdadalawang isip ang mga nagbabalak pang gumawa ng katiwalian.
Naniniwala kami na hindi lang 60 ang opisyal at empleado na sangkot sa katiwalian sa Customs. Kahit ang mga sekyu at janitor doon ay nakapagbubulsa rin ng pera mula sa katiwalian. May mga janitor doon na kumikita lamang umano ng P10,000 pero may bagumbagong sasakyan at may-ari ng ilang pintong apartment. May mga sekyu na may depositong milyong piso sa banko.
Kailangan pa ang dibdibang paglilinis sa Customs para malaki ang makolektang buwis. Patuloy pa raw ang paglaban ng Presidente laban sa mga corrupt at drug traffickers, dapat siyang tulungan. Ireport ang mga tiwali sa hotline 8888.