DAHIL sa pag-abandona ng mga Chinese sa 22 mangingisda ng F/B Gem-Ver sa Recto Bank, iba’t ibang komento ang naglabasan. May mga opisyales kasi ng Duterte Administration ang nagkomento na ikinagalit ng mga kapwa nating Pinoy. Sa totoo lang may ilan sa mga ito ang nagbigay ng payo sa ilang matatabil na bunganga na kung maaari ay tumahimik muna habang di pa lumalabas ang imbestigasyon.
At habang hinihintay kung sino ang may kasalanan sa banggaan, lumalawak na ang usapin dahil ang nais ng mga kontra kay Duterte ay pilitin na illegal na pumasok ang mga Chinese sa ating teritoryo! Giyera na nga ba ang kasagutan? Tama lamang na protektahan natin ang sariling kalupaan at katubigan subalit mas kailangan din na timplahin natin muna ng maayos upang hindi na humantong sa kaguluhan na alam naman nating walang kahihinatnan.
Kaya naniniwala ako kay Senate President Tito Sotto sa kanyang komento tungkol sa pag-aagawan sa naturang lugar. Lumalabas kasi na kay Sotto ang huling halakhak. Tama siya sa kanyang sinabi na karamihan sa mga isda sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ay galing din ng South China Sea o sa teritoryo ng China gaya ng mga isda sa China na ang iba ay galing din sa Pilipinas dahil ang mga isda ay lumalangoy sa ilalim at lumilipat ng lugar lalo na sa panahon ng pabagu-bagong klima at panahon.
Ito ay sinang-ayunan ni dating Philippine Ambassador to Greece, Malaysia and Singapore Alberto Encomienda, isang eksperto sa International Law, dahil base sa pag-aaral maraming species ng isda ang nasa ilalim ng karagatan na palipat-lipat ng lugar, kaya walang masasabing eksklusibong isda sa kanlurang karagatan ng China o ‘yung tinatawag na West Philippine Sea.
Nakakatawa man sa iba ang pahayag ni Sotto pero may katotohanan ang sinabi niya at ang mga nagkokomento na mali siya ang lumalabas na tanga. Para sa netizens na mahilig magkomento basta-basta sa social media, magbasa-basa kayo pag may time. Think before you click ‘ika nga.
Sa pagkakaalam ko, sa magkatabing bansa, dapat ay nag-uusap sila ng mahinahon hinggil sa limitasyon ng kani-kanilang karagatan, ito ay dapat pinag-uusapan ng dalawang bansa kung merong over-lapping sa kanilang EEZ alinsunod sa tinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ano ang hamon? Dapat maging mahinahon ang lahat ng bansa upang maiwasan ang giyera dahil lamang sa isda. Naniniwala ako sa kakayanan at talino ni Sotto na hindi siya magsasalita ng hindi niya alam, maaaring hindi niya masyadong naipaliwanag sa TV ang kanyang position sa isyu ng WPS pero tama siya sa sinabi. Keep up the good work Senator. Siya ang pinapakamasipag na senador na kahit minsan ay hindi na-late o nag-absent sa session.