HINDI na nakapagtataka ang bagong pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na aksidente lang daw ang naganap sa pagtama ng barkong 42212 ng China sa F/B Gem-Ver sa Recto Bank. Ayon nga kay Sen. Ping Lacson, nagsalita na si President Duterte kaya hindi na puwedeng kontrahin ng miyembro ng Gabinete. Unang nagpahayag ng galit na reaksyon si Lorenzana nang malaman ang naganap. Minamaliit na nga lang ngayon ng ilang miyembro ng Gabinete ang pagtama sa Gem-Ver na “nasagi lang” o “nadaplisan lang”. Kung sagi o daplis iyan ay hindi sana lumubog ang Gem-Ver, tumapon lahat nang huling isda at nalagay sa peligro ang buhay ng 22 mangingisda dahil iniwan sila nang “dumaplis o nakasagi” na Chinese vessel.
Hindi rin dapat nagpapahiwatig ang mga opisyal ng gobyerno na may pagdududa sa mga pahayag ng mga mangingisda, at baka ito pa ang gamitin ng China laban sa kanila. Kawawa na nga ang mga mangingisda, tila may pagdududa pa ngayon sa kanilang salaysay, dahil magkaiba ang pahayag umano ng kapitan at kusinero ng bangka. Sa aksidente, karaniwan naman ang may mga magkaiba munang pahayag dahil depende kung sino rin ang nakasaksi. Pero ang malinaw at kailangang kondenahin nang husto ay ang pag-iwan sa kanila. Iyan, malinaw na masamang asal at kriminal na aksiyon sa karagatan. Diyan walang pangangatwiran ang mga tauhan ng barkong 42212.
Ayon kay Dr. Chester Cabalza ng National Defense College of the Philippines, ang pagbangga sa Gem-Ver ng Chinese vessel ay maaaring mensahe sa mga Pilipinong mangingisda na sila na ang may hawak ng lugar. Naniniwala si Cabalza na kabilang ang Recto Bank sa sinasabing triangle ng Paracel Islands, Spratlys at Scarborough Shoal. Ang Paracel Islands ay inaangkin din ng Vietnam, samantalang ang Spratlys kung nasaan ang Recto Bank ay inaangkin ng marami. Ang ating Panatag Shoal ay inangkin na nga ng China.
Karaniwang binabangga umano ng mga barko na tinatawag na Chinese maritime militia ang mga barkong pangisda ng Vietnam sa Paracel Islands. Hindi ko alam kung paano nila inaareglo ito. Kaya baka nagsisimula na ng operasyon ang China sa Recto Bank. Maraming militia ang China sa karagatan. Mga barko na hindi naman nangingisda. Para hindi lantaran ang kanilang pag-aangkin ng teritoryo kung mga barko ng coast guard o navy nila ang magpapatrol ng lugar at mambabangga ng mga bangka. Ang kapitan ng Gem-Ver ay babalik nga raw sa Recto Bank. Dapat lang. Nasa loob ng Exclusive Econimic Zone ang Recto Bank kaya walang pagbabawal dapat sa pangisda ng sinumang bansa, mas may karapatan lang tayo. Baka ang karapatan na iyan ang nais sugpuin ng China.