ANG kasong ito ay tungkol sa kung anong krimen ang matatawag na sakop ng psychological violence sa ilalim ng RA 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act of 2004. Ang tanong na sasagutin sa kasong ito ay kung sakop pa rin ng kapangyarihan ng Pilipinas ang kaso ng psychological violence sa ibang bansa na ginawa ng isang mister sa kanyang asawa. Ito ang kaso nina Ruben at Liezel.
Mag-asawa sina Ruben at Liezel. Nakapisan sila sa mga magulang ni Ruben. Isang taon matapos magpa-kasal, nagkaroon na sila ng anak na lalaki, si Carlo. Pinili ni Ruben na mangibang bansa at magtrabaho roon bilang chef. Samantala, si Liezel naman ay isang flight attendant at mas ginustong magpaiwan sa Pilipinas dahil buntis sa pangalawang anak nilang si Dan. Patuloy na nakitira sina Liezel sa mga magulang ni Dan pero pagkatapos ng tatlong taon, bumukod na rin. Bumalik si Liezel kasama ng dalawang anak sa kanyang sariling magulang at ipinagpatuloy ang pagtatrabaho bilang flight attendant. Maliit at madalang magpadala ng sustento si Ruben hanggang sa tuluyan na itong huminto sa pagpapadala ng sustento kaya napilitan si Liezel na tumanggap ng dagdag na oras bilang flight attendant at sari-saring trabaho para madagdagan ang kanyang kita.
Mas lumala ang relasyon ng dalawa nang madiskubre ni Liezel na may kabit ang kanyang mister at ibinabahay pa sa ibang bansa. Nagpang-abot ang dalawa nang du-malaw sina Liezel at kanyang dalawang anak sa tinitirhan ni Ruben sa ibang bansa. Matindi ang naging pag-aaway nila sa hotel room. Kaya pagbalik ni Liezel sa Pilipinas ay nagsampa agad ang babae ng kaso para sa paglabag ng VAWC partikular na ang pambabae at pagtataksil nito na diumano ay sakop ng psychological violence.
Matapos mapatunayan ng korte na may basehan ang kaso, agad na naglabas ng Information at warrant of arrest laban kay Ruben. Nakakuha rin ng hold departure order si Liezel kung sakali at makabalik ng Pilipinas si Ruben. Hindi man binanggit sa impormasyon, isinalaysay ni Liezel na kakaunti at madalang magbigay ng sustento si Ruben hanggang sa tuluyan na itong tumigil sa pagpapadala. Minamaltrato rin daw siya ni Ruben at pati ang anak nilang si Carlo ay inaabuso siya sa tuwing bumabalik ng Pilipinas ang lalaki.
Nagawang makalusot ni Ruben sa pag-aresto sa kanya ng mga pulis. Dalawang taon ang lumipas. Nagsampa ng mosyon ang abogado ni Ruben para buhayin ang kaso, ibasura ang impormasyon at ipawalambisa ang warrant of arrest/hold departure order sa kadahilanang hindi rito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa nangyari ang pagtataksil. Ang nangyari daw sa ibang bansa ay hindi sakop ng kapangyarihan ng korte ng Pilipinas. Pinagbigyan ng RTC ang mosyon at tuluyang ibinasura ang kaso.
Ayon sa Supreme Court, nagkamali ang korte sa pagbasura sa kaso. Ayon sa SC, pinarurusahan ng RA 9262 ay hindi ang pagtataksil ng isang mister kundi ang psychological violence o ang emosyonal at mental na paghihirap ng kanyang misis. Ang psychological violence ay paraan lang na ginamit ng akusado para masaktan at mahirapan ang kanyang biktima. Ang sinasabing pagtataksil o marital infidelity ay isa lang sa mga paraan ng psychological violence na binanggit sa RA 9262. Sa dami ng dahilan, masasabing nasaktan o hindi nasaktan ang biktima dahil sa ginawang pangangaliwa ng kanyang asawa. Basta ang importante dito ay ang emosyonal na paghihirap ng biktima na isa sa mahahalagang elemento para sa krimen ng VAWC kung kaya kahit sa ibang bansa pa nangyari ang pangangaliwa sa kanya ay maaari pa rin siyang litisin sa paglabag ng RA 9262 at hagip pa rin siya ng kapangyarihan ng batas at ng ating korte (AAA vs. BBB, G.R. 212448, January 14, 2018).