Pinupuri ko si President Duterte sa kanyang matigas na paninindigan na ipabalik ang mga basura ng Canada na dinala sa Pilipinas noong 2013. Nagbanta siya ng “giyera” laban sa Canada kapag hindi kinuha ang basura. Sabi niya, “huwag gawing basurahan ang Pilipinas!”
Bagama’t ang sinabi niyang “giyera” ay hindi naman talagang conflict sa pamamagitan ng armas, makikita na desidido ang Presidente na ipamukha sa Canada na mali ang ginawa ng bansang ito sa pagdadala ng basura sa bansa. Sa mga nabasa ko, bawal magdala ng basura sa isang bansa. Mahigpit itong pinagbabawal sa ilalim ng International Law. At natitiyak ko, alam ng Canada ang batas na ito. Hindi sila mangmang para hayaang makaalis sa kanilang bansa ang barkong naglalaman ng mga container ng basura. Hinayaan nilang makaalis ang barko patungong Pilipinas na pawang basura ang dala.
Nangyari ang pagdadala ng basura noong panahon ng Aquino administration at nagtataka lang ako kung paano nakalusot sa Customs ang mga basura. Sino ang tumanggap ng mga basura? Sa palagay ko ay nagkaroon ng lagayan dito. Hindi kasi basta-basta tatanggapin sa Customs ang mga basura. Pero nailabas nga. Hindi naman nila ma-locate ang consignee ng basura. Umaabot sa mahigit 100 containers ang basura.
Isa pang pinagtataka ko, dapat nagdaan ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Bakit nakalusot sa kanila? Anong nangyari at nakapasok sa bansa ang mga basurang kinabibilangan ng hospital wastes.
Marami nang basura sa bansa pero tumatanggap pa ng basura ang Customs. Dapat tinanggihan na itong makapasok. Dapat, hindi na naibaba sa barko ang 100 containers at ipinabalik na agad sa port of origin nito.
Saludo ako kay President Duterte na matigas ang paninindigan na huwag gawing basurahan ang Pilipinas. Dapat magkaisa para labanan ang sinumang magtatapon ng basura sa ating bansa. Ginagawa tayong tapunan ng kanilang basura. Tutulan ito! --- MICJEL SAPALLO, Bgy. Kasilawan, Makati City