SINUSPENDE ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang dry run sa pagbabawal na dumaan sa EDSA ang mga provincial buses. Nagsimula ang dry run noong Abril 22, kung saan hindi na makakapasok sa EDSA ang mga bus na galing Southern at Northern Luzon. Sa halip, ang mga galing South Luzon ay tutuloy sa mga terminal sa Sta. Rosa, Laguna at sa Parañaque Integrated Terminal Exhange samantalang ang galing North Luzon ay sa terminal sa Malinta, Valenzuela City.
Layunin ng MMDA na mapaluwag ang trapiko sa EDSA kaya ibinawal ang pagdaan ng mga provincial buses. Karamihan ng mga buses ay naka-terminal sa Cubao at kahabaan ng EDSA. Sumisikip ang trapiko dahil nagbababa at nagsasakay sila. Problema rin ang kanilang pagpasok at paglabas sa kani-kanilang terminal na nagiging dahilan nang pagkabuhul-buhol ng trapiko lalo na kung rush hour.
Ang pagsuspende sa dry run ay kasunod naman ng petisyon ng Ako Bicol Party-list sa Supreme Court na kanselahin ang pagpapatupad ng pagbabawal ng provincial buses dahil masyadong kawawa ang mga pasaherong galing sa probinsiya. Kailangan pa ng mga ito na bumaba sa mga itinalagang bus terminal at saka sasakay muli para makarating sa kanilang destinasyon. Katwiran pa ng mga nagpetisyon, dagdag gastos at sayang din ang oras ng commuters sa paghihintay sa mga terminal.
Maganda ang layunin ng MMDA sa pagbabawal sa mga provincial buses sapagkat maaaring lumuwag ang EDSA, pero kailangang pag-aralan munang mabuti ang hakbang sapagkat kawawa rin naman ang mga maaapektuhang commuters. Dagdag gastos at pagod ito lalo pa’t magmumula sila sa probinsiya. Mahaba ang kanilang nilakbay at pagkatapos ay ibababa sa isang malayong terminal.
Napakalayo ng mga ginawang terminal. Halimbawa ang terminal sa Sta. Rosa, Laguna. Malayo ito para sa isang nakatira sa Cubao o Fairview area. Malayo rin naman ang terminal sa Valenzuela para sa isang nakatira sa Cubao, Ortigas at Crossing.
Pag-aralan muna ang panukalang ito sapagkat maraming tumututol. Pagbuhusan muna nang mahabang panahon at saka ipatupad kapag puwede nang isubo sa commuters.