SA dami ng mga natatagpuan o nasasagip na cocaine sa laot sa iba’t ibang lugar sa bansa, tiyak na ang mga mangingisda ang target ng sindikato ng droga. Nakaisip sila ng paraan na ang dagat ang gawing drug haven dahil sa lawak nito at mahihirapang ma-detect ng drug enforcement agencies. Tatapalan nila ng pera ang mga mangingisda para sagipin ang inihagis nilang cocaine na nagkakahalaga ng bilyong piso. Makakatanggi ba ang mga mangingisda sa malaking ibabayad ng sindikato? ‘Yung kikitain nila sa pangingisda sa loob ng isang linggo ay isang araw lang nilang kikitain kapag cocaine ang kanilang sinagip. Madali silang masisilaw sa pera ng sindikato.
Kaya nararapat paigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagmamanman at baka marami nang cocaine ang nasasagip at napapasakamay na ng sindikato. Sa ngayon, masyadong nakapokus ang PNP sa loose firearms kaya naman regular ang kanilang pagsi-setup ng checkpoints. Sinisiguro nilang walang makakalusot na mga hindi lisensiyadong baril. At habang abala sila sa checkpoint, marami namang lulutang-lutang na cocaine sa karagatan na nagkakahalaga ng bilyong piso. Hindi lubusang mabantayan ng Philippine Coast Guard ang mga baybayin sapagkat kulang sila sa mga tao bukod pa sa kulang ang kanilang kagamitang pandagat.
Ayon sa report, nakasakay sa barko ang mga bricks ng cocaine at pagdating sa laot, saka ito ihahagis sa dagat. Maraming selyadong bricks ng cocaine ang inihahagis sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa buong bansa. Ang bagong paraang ito ang naisip ng sindikato sapagkat mas mabilis gawin at hindi rin sila basta-basta mahuhuli dahil walang sasakyan ang Coast Guard para sila tugisin. Kapag nasagip na ng mga mangingisda ang cocaine, kukutsabahin na sila ng sindikato.
Sa inis ni President Duterte, inatasan niya ang Philippine Navy na kapag nakita ang barko ng drug syndicates, pasabugin ang mga ito. Hindi nagbibiro ang Presidente sa utos sa Navy. Napupuno na siya sa pagdagsa ng cocaine sa bansa na nagsimula pa noong nakaraang taon.
Pagsikapan ng PNP lalo ng PDEA na manmanan ang mga mangingisda sapagkat ang mga ito ang nakakasagip sa cocaine. May mga mangingisdang nagre-report ng droga pero meron ding hindi. Tiyak na may mga mangingisdang kakutsaba ang sindikato para madaling masagip ang mga cocaine sa laot.