PABOR ako sa ginawa ni President Digong na hakbang tungkol sa basura na tinapon ng Canada sa ating bansa. Pagdating niya mula China muli na naman niyang inupakan ang Canada sapagkat desidido talaga siyang matanggal ang basura nila rito sa ating bansa. Mantakin n’yo nagsimula tayong tapunan ng basura noong 2013, ano na ngayon 2019 na hindi pa nila kinukuha. Kung hindi pa sila binigyan ng taning na 15 araw ay hindi pa sila kikilos.
Tamang hakbang ang ginawa ni Digong. Malimit ko mang birahin sa aking mga kolum pero masasabi kong action man itong ating Presidente. Kung maalala n’yo ang Balangiga Bells, hindi niya tinigilan kulitin ang US government hanggang hindi nila ibinabalik sa ating bansa ang mga kampana. Alam kong mahalaga rin sa mga Kano ang Balangiga Bells dahil ito ay ginawa nilang trophy sa pagkapanalo sa digmaan noong Philippine American War 1901. Pero dahil kay Digong hindi umubra ang mga Amerikano. Masama man sa loob nilang ibalik ay ginawa pa rin nila.
Ngayon, hindi magkandaugaga ang Canadian government na maiuwi sa kanilang bansa ang basura. Tama nga naman kung wala silang mapaglagyan ay ibubuhos daw ni Digong sa kanilang mga beach. Tinagurian man nating kanto boy, siya naman ang taong may paninindigan. Nakikita natin ang resulta ng kanyang ginagawa tulad ng paglilinis sa Boracay at Manila Bay ‘di ba? Kung makikita natin ang Boracay ngayon, malaking pinagbago kaysa rati. Noon kasi, walang pakialam ang mga tao. Tapon dito, tapon doon, ang ginagawa sa kanilang basura pero ngayon pang world class na. Malinis at maayos na ang pamamahala.
Sa ginagawa ni Digong malamang hindi na natin daranasing matapunan ng basura dahil babalik din ito agad sa kanila. Hoy, hindi basurahan ang aming bansa!