EDITORYAL - Tapon dito, tapon doon ng basura
HANGGANG ngayon, marami pa ring Pilipino ang walang disiplina sa pagtatapon ng kanilang basura. Kahit ang mga nasa sasakyan, itinatapon sa labas ng bintana ang kanilang basura – balat ng mani, wrapper ng hamburger, paper cup ng French fries, plastic cup ng softdrinks at iba pa.
Tapon dito, tapon doon ang ginagawa. Nagpapakita ng kawalan ng disiplina at kamangmangan sa epektong dulot ng basura sa kapaligiran. Hindi kaya nila alam (o nagtatanga-tangahan lang) na nasisira ang likas na yaman at panganib na rin sa mga lamandagat ang basura. Pati mga balyena, namamatay dahil sa mga kinaing plastic na basura.
Nitong nakaraang Mahal na Araw, nakita na naman ang kawalan ng disiplina nang maraming nag-visita Iglesia. Sa bawat simbahan na kanilang binisita, nag-iwan sila ng basura. Pawang mga plastic na supot ng pinaglagyan ng softdrink at tubig ang iniwang basura. Bukod sa plastic, nag-iwan din ng mga paper cup at styro na pinaglagyan ng kanin at ulam. Mayroon ding cup ng noodles at sachet ng kape.
Pinakamaraming basurang iniwan sa isang grotto sa San Jose del Monte, Bulacan. Sa paligid ng grotto ay makikita ang tambak ng basura. Sobrang dumi ng paligid na para bang hindi bahay ng Diyos ang lugar. Malayung-malayo sa dating tanawin ang grotto noong hindi pa dumarating ang mga nagbi-visita Iglesia. Ipinakita ang kawalan ng disiplina at kamangmangan ng mga nagtungo sa grotto.
Ilang linggo na ang nakararaan, nag-viral naman sa social media ang isang van na tumatakbo sa boundary ng Mandaluyong at Makati na hinabol ng isang German cyclist. Bitbit ng cyclist ang isang plastic ng basura na itinapon ng mga sakay ng van. Nang abutan ng dayuhan ang van na naipit sa trapik, kinatok niya ang pinto at nang buksan, ibinigay niya ang basura sa driver. Hindi na nakapangatwiran ang driver sapagkat napag-isip-isip marahil na mali ang ginawa nilang pagtatapon ng basura.
Maraming Pilipino ngayon ang walang disiplina sa pagtatapon ng kanilang basura. Hindi na nakapagtataka kung dumating ang panahon na pawang basura ang makikita sa kalsada, simbahan, parke at iba pang lugar. At nakakahiya na mga dayuhan pa ang nagmamalasakit at nagpapamukha sa mga walang disiplina na huwag tapon dito, tapon doon ng basura.
- Latest