EDITORYAL - Lalong dumami ang ‘narco-pulis’

KUNG kailan nilakihan ni President Duterte ang suweldo ng mga pulis, saka pa naging gahaman ang ilan sa mga ito at pinasok pa ang illegal drug trade para magkamal pa ng pera. Siguro, nagsisisi ang Presidente kung bakit pa itinaas ang suweldo ng mga parak na ang pinakamababang ranggo na patrolman ay sumusuweldo nang mahigit P30,000. Sana ay hindi na lang niya itinaas sapagkat lalo pang naging ganid sa pera na pati nga ang pagtu­tulak ng shabu ay pinasok.

Bukod sa pagtutulak, marami ring pulis ang gumagamit ng shabu. Mayroong mga pulis na pineperahan ang mga sibilyan na nahuhulihan nila ng droga. Mayroon din namang mga pulis na nagre-recycle ng droga na kanilang nakukumpiska. Kadalasang ang mga pulis na nagre-recycle ay ang mga nasa drug enforcement unit.

Halos araw-araw ay may mga nahuhuling “narco-pulis’’. At sa kabila nito, wala pa ring kadala-dala ang mga pulis na ito. Malaki na nga ang suweldo, pero gusto pang magkapera sa pagtutulak ng shabu. Masyado nang naging gahaman ang mga “narco-pulis” at gustong magkaroon nang maraming-mara­ming pera kahit pa galing sa pagtutulak.

Katulad ng isang pulis mula sa Malabon na hinuli ng mga pulis-Quezon City noong nakaraang linggo dahil sa pagtutulak ng shabu. Naaresto si Patrolman Darryl Galendez noong Martes ng mga miyembro ng QCPD Station 3. Ayon kay QCPD Director Joselito Esquivel, anim na buwan nilang tinugaygayan si Galendez bago bumagsak sa kanilang mga kamay. Bukod kay Galendez, arestado rin ang ama nito at kanyang tiyahin dahil sa pagtutulak din ng shabu. Ayon pa kay Esquivel, si Galendez, ang ama nito at tiyahin ang nagtutulak ng shabu sa maraming lugar sa Quezon City. Bukod umano sa pagtutulak, gumagamit din ng shabu ang pulis. Nakapasok sa ser­bisyo si Galendez noong 2017.

Hindi lamang si Galendez ang pulis na sangkot sa droga, marami pa. Kahiya-hiya ang mga katulad nila na sa halip, durugin ang drug pushers, sila pa pala ang nagpapasimuno sa pagpapakalat nito para kumita nang malaki. Talagang sayang lang ang ginawa ng Presidente na pagtataas sa sahod nila. Ang nararapat gawin ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde ay ang puspusang paglilinis sa organi­zation para malipol ang mga “narco-pulis.”

Show comments