SIGURADO maraming aping empleyado ang magbubunyi kapag kinulong ang mga employer na di naghuhulog ng SSS contributions.
Makaganti man lang sila sa ilang taong kayod-kalabaw na pagtatrabaho pagkatapos ay pinipendeho lamang ng mga employer ang kanilang mga benepisyo.
Hindi mo na mabibilang sa daliri ang bilang ng mga among ganito. Parang hindi na naubos ang problema sa social contributions, sa aming action center lang, araw-araw ay ganito ang tema ng mga reklamo.
Kada araw mayroong panibagong pobreng lalapit at magpapatulong makuha ang benepisyo. Kailangan siguro ng ibang pamamaraan para mabawasan ang mga ganitong estilo.
Nakasaad naman sa batas, malinaw na malinaw, trabaho ng employer na asikasuhin ang benepisyo ng kanyang tao. Kesyo contractual, kesyo casual kesehodang per project.
Basta mayroong employee-employer relationship, karapatan ng empleyado na magkaroon ng benepisyo.
Nakamandato rin na 6 to 12 years ang parusang pagkakakulong sa sinumang lalabag sa batas (SSS Law). Marahil maraming employer ang malakas ang loob dahil konti lang ang nasasampolan.
Sabi ko nga, kung talamak ang mga manyak na Arabo sa ibang bansa, dito sa Pinas nagkalat naman mga barat at abusadong employer. Simpleng SSS, Philhealth at Pag-IBIG lang, hindi pa magawang i-remit.
Gusto namin may mga nakukulong para mabawas-bawasan ang trapik sa kalsada. Ipasok sila sa kulungan at maghimas ng matatabang rehas.
Doon sila magsiksikan sa amoy utot, amoy pawis, amoy anghit na selda.
Magkakaipot-ipot sigurado ang SSS sa rami ng kailangang idemanda. Sa rami ng mga pasaway, baka kailanganin pa ang isa pang ahensya.