Magandang araw po sa Pilipino Star NGAYON na pahayagan ng masang Pinoy. Nag-email po ako dahil sa magulong sistema ng pagbabayad ng SSS contributions sa pamamagitan ng inilunsad nilang Payment Reference Number (PRN).
Mula po noong ilunsad ito noong nakaraang taon, nagkaroon ng trapik sa mga branches ng SSS dahil sa bagal ng pagproseso nang pagbabayad. Kailangan kasing kumuha muna ng PRN bago magtungo sa teller. Sa aking palagay, sa halip na pinabilis ang pagbabayad ay lalo lamang bumagal dahil kailangan pang kumuha ng PRN. Hindi rin makakapagbayad sa mga banko at bayad centers dahil hinihingi nila ang PRN.
Noong nakaraang Disyembre 2018, hindi ako nakapaghulog dahil napakahaba ng pila ng mga kukuha ng PRN at pati ang pagbabayad. Naubos lamang ang oras ko sa pagpila at hindi rin ako nakapagbayad. Dati naman hindi ganito. Kahit saan puwedeng magbayad. Bakit kaya pinahirap pa ng SSS ang pagbababayad. Sa halip na matulungan ang mga miyembro para hindi pumila nang mahaba, lalo pang pinahirapan.
Ang ganitong sistema ay taliwas sa sinasabi ni President Duterte na huwag pahirapan ang mamamayan. Huwag paghintayin lalo pa sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sabi ng SSS, mabilis daw makikita ang inihulog ng miyembro dahil sa PRN. Okey ito pero hindi naman lahat ay maaaring maka-access sa internet. Hindi lahat ay marunong mag-register o kung ano pa mang kailangang gawin para makakuha ng PRN.
Huwag sanang pahirapan ang nagbabayad na miyembro. - NAME WITHHELD UPON REQUEST