SANA maipatupad nang mahigpit mamayang gabi ang firecracker ban. Ang paglimita sa fireworks sa mga plaza ay mahalaga sa kaayusan ng mga komunidad. Mababawasan ang usok na nakaka-asthma at ingay na nakakatulig sa mga bata at matatanda.
Para sa akin na matagal nang kumakampanya para rito, may isa pang naidudulot ang katahimikan sa pagsalubong sa Bagong Taon. Mas maririnig natin ang putok ng baril. Batay sa lakas, mas mababatid natin kung saan galing ang putok, ilan ang putok, at gaano ito kalapit sa bahay natin. Sa marunong sa tunog, mas mababatid kung ano’ng kalibre ng bala ang ginamit, at kung iba-ibang baril ang pinaputok.
Mahalaga ang mga impormasyong ito sa pag-report sa pulis. Lalo na kung may tinamaan sa ating pamilya o kapitbahay, nabutas na bubong o dingding, nabulabog na kabahayan.
Huwag tayo magpapasindak sa mga nagpapaputok ng baril nang walang lehitimong rason. Labag sa batas ang indiscrimnate firing, maging pulis, sundalo, o sibilyan man ang nagpaputok. Sila, hindi ang nabulabog, ang dapat papanagutin. Bilanggo nang di bababa sa 12 taon ang parusa sa krimen. Mas mabigat kung may nasaktan o namatay.
Maging mapagmatyag tayo. Sa karanasan ng pulis at tulong ng mga mamamahayag at kapitbahay, natutunton ang mga salarin na nagpapaputok ng baril sa Bagong Taon. Nata-triangulate ang puwesto ng nagpaputok batay sa mga saksi miski sa pandinig lang, at sa anggulo ng pasok ng bala sa anomang tinamaan. Marami nang naipakulong.
Marami rin ang nakakalusot. Ito ay dahil walang nag-report ng krimen sa pulis, o walang naglakas-loob na tumestigo. Ito ang dahilan sa paulit-ulit na salot ng mga nasasaktan at namamatay sa tama ng ligaw na bala. Ibalik natin ang katahimikan ng ating komunidad.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).