Takaw aksidente ang motorsiklo
MASAKLAP para sa Angkas riders ang naging desisyon ng Supreme Court (SC). Dapat daw itigil ang kanilang operasyon dahil delikadong gawing pampasahero ang mga motorsiklo. Sa pagkakaalam ko matagal nang ginagawang pampasada ang mga motorsiklo sa mga probinsiya at tinatawag nila itong habal-habal. Kung delikado pala ito, bakit hindi maipatigil ang operasyon ng habal-habal. Samantalang kung tutuusin ay mas delikadong sakyan ang mga habal-habal sa probinsiya dahil sanga-sanga ang mga pasahero, lubak-lubak at mabundok pa ang daanan.
Sa panahong ito, motorsiklo ang pinaka-in na sasakyan. Makakatipid sa pamasahe makakaiwas pa sa trapik dahil maliit na daanan lang ang kayang okupahin. Maraming murang motor na mabibili ngayon at nakukuha pa nila itong hulugan. Dangan nga lamang at ang iba nating kababayan ay ginawa nila itong pampasada. Kinagat naman ito ng publiko dahil ito ang mabilis na sasakyan papunta sa kanilang trabaho. Yun lang takaw aksidente ang motorsiklo.
Kung mapapansin natin kahit saang lugar ay maraming motorsiklo. Nagagamit din ito sa illegal. Nandiyan ang riding-in-tandem, ang mga snatcher at holdaper. Mahirap nga lamang silang hilahin dahil bukod sa helmet ay may maskara pa na mata lang ang nakikita. Ngayon, laganap ‘yan dahil kapanahunan ng eleksiyon.
Para sa akin aksyunan ang lumulubong produktong motorsiklo, lagyan ng age limit ang mga rider. Nakikita ko kasi na pabata nang pabata ang mga nagmamaneho ng motorsiklo ngayon. Mukhang hindi na naglalayo ang dami ng mga motorsiklo at kotse sa lansangan kasi ultimo simpleng tao ay may motorsiklo na.
Mahirap kung bigla na lang patigilin ang Angkas rider. Kahit mahuli at multahan ang mga yan at impound man ang mga mahuhuling motorsiklo meron pa ring bibiyahe.
- Latest