WALANG dapat sisihin sa pagkatakot na nadarama ngayon ng mga tao sa bakuna kundi ang Dengvaxia. Marami ang ayaw magpabakuna sapagkat ang kontrobersiya sa Dengvaxia ang kanilang naaalala. Ayaw nilang mabiktima.
At ngayong dumarami ang kaso nang nagkakatigdas at kailangan ang pagbabakuna, marami ang ayaw magpabakuna dahil sa takot na matulad sa mga biktima ng Dengvaxia.
Dumarami ang kaso ng tigdas (measles) sa ilang lugar sa Mindanao. Tinatayang 17,300 na mga bata ang nagkatigdas sa Mindanao, ayon sa report ng mga doctor at mga opisyal ng World Health Organization (WHO). Mas marami umano ang nagkatigdas ngayon (Enero hanggang Nobyembre 2018) kaysa noong nakaraang taon. Apat na bata na ang naiulat na namatay sa Mindanao dahil sa tigdas.
Sabi ng isang opisyal ng Philippine Foundation for Vaccination sa isang forum kamakailan, nawala na raw ang tigdas dahil sa pagbabakuna pero ngayon ay muli na namang nananalasa. Nakababahala raw ang ganitong nangyayari sapagkat nasa panganib ang mga batang magkakatigdas.
May ilang dahilan na binanggit ang opisyal kung bakit bumabalik sa dati ang pagkalat ng tigdas. Una ay ang pagiging scientifically illiterate ng mga Pilipino at ikalawa ay ang takot sa bakunang Dengvaxia kung maraming naiulat na namatay na mga bata makaraang turukan para sa sakit na dengue. Bumaba umano ng 93 percent ang tiwala ng mamamayan sa bakuna dahil sa idinulot na kontrobersiya ng Dengvaxia.
Dapat daw maibalik ang pagtitiwala ng mga magulang sa pagbabakuna laban sa tigdas para mailigtas ang mga bata. Kung hindi raw maibabalik ang tiwala sa vaccination, nasa panganib ang mga bata.
Hindi masisisi ang mga magulang kung mawalan ng tiwala sa bakuna dahil sa Dengvaxia. Ang dapat gawin ng DOH ay magkaroon ng kampanya para maibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna. Magkaroon nang panawagan na ligtas ang bakuna laban sa tigdas. Kailangang mabakunahan ang mga bata sa pagkakataong ito. Iligtas sila sa kapahamakan.