Alternatibo sa ROTC panukala ni Sen. Bam

MAY magandang alternatibo na isinusulong si Sen. Bam Aquino sa nais ng Pangulong Duterte na ibalik ang Reserved Officers Training Corps. Ito ang pagpapalakas sa National Service Training Program o NSTP sa Grade 11 at Grade 12.

Sa Republic Act 9163 na nagkabisa noong taong 2000, inoobliga rin ng estado ang mga college students, babae man o lalaki, na sumailalim sa tatlong programa na puwede nilang pagpilian para makatulong sa bayan. Maa­aring pumili ang mga estudyante sa Civil Welfare Training Services para sa social services, Literacy Training Servi­ces para magturo sa mga out of school youth at ROTC para sa disaster at emergency responses. Ngunit tila malamya ang implementasyon ng batas.

Tama si Sen. Bam.  Hindi naman kailangan ituro ang pagiging makabayan dahil kapag dumating ang sandaling “sasakupin” o guguluhin tayo ng ibang bansa ay awtomatiko sa mga Pilipino na makikipaglaban para sa kanyang bansa.

Hindi rin kailangan ang bagong batas para mahikayat ang volunteerism. Kulturang Pinoy dahil ang pagiging handang tumulong sa mga panahon ng kalamidad.

Sinabi ng Senador na makailang-ulit na ring napatu­nayan na nagagamit pa ang ROTC sa pang-aabuso ng mga instructor at madalas ding maging mitsa ng korap­siyon. Ang Pangulo nga mismo ay umamin na nung estud­­­yante siya, nagpanggap siyang may malubhang sakit matakasan lang ang ROTC.

Nagsumite si Sen. Bam ng resolusyon para imbesti­gahan ang pagpapatupad ng NTSP Law at kung paano ito mapapalakas at mapapaganda. Anang Senador, aprubado na ang Senate Bill 1607 na nagtatakda ng employment rights sa mga reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang na ang retiradong military servicemen at officers, na sumama sa Reserved Force. Ayon pa kay Senador Bam, kung aalagaan din ng estado ang employment rights ng mga retiradong military o police servicemen ay mas maaasahan ang mga ito kapag tinawag ng estado para depensahan ang bansa laban sa panlabas na puwersa.

Show comments