Abusado

KAILANGAN talagang may mangyari muna bago kumilos ang PNP. Dahil sa video ng road rage kung saan ang isa sa mga sasakyan ay may plakang “8”, naghigpit ang PNP sa mga sasakyang may ganung plaka. Lumabas na isang entertainer lang ang may-ari ng sasakyan na nanuntok ng motorista sa Angeles, Pampanga. Hindi na sana malaking isyu pero dahil sa plakang “8”, mas nabigyan ng atensiyon. Hindi naman pala mambabatas. Kaya ano ang karapatan niyang gumamit ng plakang “8”? Saan niya nakuha ang plakang “8” kung hindi naman pala mambabatas,o kamag-anak? Peke ba ang plaka o lehitimong isyu ng LTO?

Dahil naghigpit ang PNP, dalawang sasakyan ang kinumpiska ng Task Force Limbas na may plakang “8”, at may malaking sticker pa ng Office of the President. Tila kulang ang plakang “8” kaya dapat may matinding sticker pa. Ayon sa may-ari ng dalawang sasakyan, nakakabit na raw ang mga plaka at sticker nang ibayad utang sa kanya ang dalawang sasakyan. Sino ang  nagbayad sa kanya? Mambabatas din ba? Konektado ba sa opisina ng Presidente? Bakit hindi tinanggal at ikinabit ang regular na plaka? Para bida sa kalsada? Ganito ang kulturang “wangwang” na nais tanggalin ng nakaraang administrasyon. Mukhang bumalik na naman ngayon.

Dapat alamin din ng PNP kung saan galing ang mga plakang “8”. Mga lehitimong plaka mula sa LTO ba ang mga ito? Bakit nabibigyan ang hindi naman mambabatas? At kung peke naman, saan galing? Panahon na rin na pag-aralan kung kailangan pa bang bigyan ng plakang “8” ang mga mambabatas, kung malinaw na inaabuso lang ito. Siguro ang dapat lang bigyan ng special plates ay ang Presidente ng Pilipinas, Vice President, Chief Justice, Senate President, at House Speaker. Sa ngayon, maraming nasa gobyerno ang binibigyan ng special plates. Kung pinang-aabuso lamang, ano pa ba ang silbi ng mga ito? Pati commemorative plates na paso na ay dapat sinisita. Ginagamit lang ito para makalusot sa number coding. Ganun na rin ang mga plakang “8”.

Show comments