EDITORYAL - Daming imported rice, pa’no na ang local na magsasaka
MAY mabuti at masamang epekto ang pagdagsa ng imported rice sa pamilihan. Mabuti, dahil wala nang kakapusan sa bigas at wala nang pipila para lamang makabili nito. At masama naman, dahil maaapektuhan ang mga local na magsasaka. Maaring wala nang bumili ng kanilang sariling ani sapagkat mas papaboran ang imported rice.
Mas mura raw kasi ang imported na bigas kaysa sa local. Kung magkakaganito, paano na ang buhay ng mga local na magsasaka na malaki ang ginastos para makapagprodyus nang magandang ani. Karamihan sa local farmers, inutang ang pambili ng binhi, fertilizer, insecticide at iba pa. Kung ibebenta nang mura ang kanilang ani, paano sila kikita at mababayaran ang utang.
Sabi naman ng Department of Trade and Industry (DTI), mas maganda na raw na maraming bigas sa bansa kaysa naman kulangin. Mas maganda rin daw na dumagsa ang bigas sapagkat maaaring bumaba na ang presyo. Papabor ito sa mga karaniwang mamamayan na kakarampot ang suweldo at kung bumili ng bigas ay pakonti-konti lang.
Sinabi rin ng DTI na hindi dapat mabahala ang mga local na magsasaka sa pagdagsa ng imported rice sapagkat bibigyan ng insentibo ang mga ito. Itinaas din daw ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng palay na kanilang binibili sa mga magsasaka. Sa kasalukuyan, binibili nila sa halagang P20.70 ang bawat kilo ng palay.
Hindi ba puwedeng itaas pa ng NFA ang pagbili nila sa palay ng mga magsasaka para madali namang makabawi ang mga ito sa nagastos? Gaano ba ang P20 bawat kilo? Maliit ito. Baka hindi pa makasapat sa mga inutang ng magsasaka. Bakit hindi gawing P30 para naman madaling mabawi ang nagastos. Kung tataasan ang presyo, hindi na gaanong mangangamba ang mga magsasaka kahit pa dumagsa ang bigas sa pamilihan.
Maganda ang maraming bigas sapagkat maraming pagpipilian ang mamamayan. Pero dapat din namang tingnan kung masasagasaan ang mga local na magsasaka. Nakakaawa naman kung sila ang mahihirapan dahil walang bumibili ng kanilang ani.
- Latest