MULA noong Marso na magsagawa ng maintenance checkup ang Metro Rail Transit 3, walang gaanong nabalitang pagtirik o pagkasira ito. Sabi ng Department of Transportation (DOTr), dumating na raw kasi ang mga kailangang piyesa ng MRT 3 kaya naayos na ang mga sira. Nadagdagan na rin ang mga bagon kaya wala nang magiging sagabal.
Dahil sa pagkakaayos, marami nang bumiyaheng tren at nawala na ang mahabang pila sa mga station. Dati, ilang kilometro ang haba ng mga pasahero pero dahil nga naayos na ang mga tren, naging magaan na ang pagsakay at nakakarating na sa tamang oras ang commuters.
Pero noong Miyerkules, balik sa kalbaryo ang mga pasahero ng MRT. Kilo-kilometro uli ang pila sa mga istasyon. Yung mga maaagang gumising at umaasang makakasakay ng 5:00 ng umaga, hindi nangyari. Inabot sila ng ilang oras sa paghihintay sa mga tren. Pero napanis sila sa paghihintay sapagkat walang makakarating na tren dahil apektado ng banggaan ng dalawang maintenance vehicle sa Guadalupe at Buendia Stations. Dahil sa banggaan, pitong empleado ang nasugatan.
Walang nagawa ang mga dismayadong commuters kundi sumakay ng bus para makarating sa kanilang trabaho. Pero ang lalong nakadismaya sa kanila, wala man lang advisory ang pamunuan ng MRT kung bakit walang dumarating na tren. Naghihintay sila sa iaanunsiyo ng MRT pero namuti lamang ang kanilang mata. Kung maaga raw sanang sinabi ang nangyaring banggaan e di nakahanap na sila ng ibang sasakyan para hindi naatrasado sa pagpasok.
Ano ang nangyayari sa MRT? Mas malala pa ba kaysa dati? Sinasabing palpak ang nakaraang administrasyon sapagkat ang maintenance provider ay walang kakayahan. Pero sa nangyayari ngayon sa MRT na balik muli sa pagkasira, wala na silang ipinagkaiba.
Hanggang kailan magtitiis sa palpak na serbisyo ng MRT. Ngayong nagtaasan na ang bilihin at maraming apektado, pati ang MRT ay labis na ring magpahirap sa mamamayan. Kailan makakatikim ng maayos na serbisyo sa MRT?