EDITORYAL - Di na nasisira ang MRT pero tumutulo naman
ANG magandang balita, hindi na gaanong tumitirik ang Metro Rail Transit 3 (MRT 3) pero ang masamang balita, tumutulo naman sa loob nito. Dahil tumutulo, kailangang gumamit ng payong ang commuters. Kung walang payong, maliligo ang mga pasahero dahil sa tulo na nanggaling umano sa sirang aircionditioning unit. Umagos ang tubig sa kisame ng bagon.
Isang netizen ang nag-upload ng video sa Facebook at nag-viral. Sabi ng nag-upload, hindi raw sila na-informed ng MRT na mayroon palang falls sa loob ng bagon. Apektado ng tulo ang seksiyon na para sa mga kababaihan, bata, senior citizen at may kapansanan. Sabi ng ibang nakapanood, mabuti na lang ay may dalang payong ang mga pasahero. Dapat daw maglaan ng payong ang MRT para sa pasahero para hindi mabasa.
Humingi naman ng paumanhin ang MRT at sinabing ang tulo ay nagmula sa lumang airconditioning unit na talaga namang naka-schedule nang palitan dahil 10-taon na ito. Huli raw pinalitan ang ACU noong 2008. Mayroon na umanong parating na 42 units ng ACU ngayong buwan na ito.
Mula Abril ng kasalukuyang taon, bihira nang tumitirik ang MRT 3 dahil naisaayos na umano ang mga sira nito. May mga dumating na umanong mga piyesa at nakapag-overhaul na ng 72 train. Noong nakaraang taon, hanggang sa third quarter ng 2018, halos araw-araw ang pagtirik ng MRT kaya naglalakad ang mga tao patungo sa sunod na station. Bukod sa pagtirik, umuusok din sa loob ng bagon, biglang bumubukas ang pinto at pabigla-bigla kung magpreno dahilan para masugatan ang mga pasahero.
Itinigil na ng Department of Transportation (DoTr) ang P3.8 bilyong maintenance contract ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) dahil sa masamang serbisyo.
Ang MRT ang pinakamabilis na pampublikong sasakyan kaya ito ang dapat na bigyang pansin ng pamahalaan. Dahil sa grabeng trapik sa EDSA, ang MRT ang hantungan ng mga pasahero. Nararapat lamang na maging convenient ang pagsakay at paglalakbay ng mga ito. Huwag namang paliguan o basain ang mga tumatangkilik na pasahero.
- Latest