Mga online dorobo, bistado!
FACEBOOK, Twitter, Instagram, YouTube --- name it! Anumang social media sites at pakulo sa internet, patok sa millennials. Isa na rito ang online shopping. Sino nga ba naman ang hindi maeengganyo sa serbisyong ito, nakakapamili ka ng iyong mga kailangan habang nakaupo at papindut-pindot lang.
Kaya naman ang mga kawatan, nakita ito bilang isang oportunidad na makapanggoyo ng mga parukyano.
Sa datos ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), online scam pa rin ang isa sa may pinakamaraming reklamo na kanilang natatanggap. Kabilang dito ang mga kaso tulad ng online libel, online threat, anti-photo and video voyeurism, identity theft at hacking.
Makailang ulit na naming naidokumento at naipalabas ang mga ganitong klase ng reklamo. Mga pobreng nadadala sa matatamis at mabubulaklak na pananalita ng mga taong di naman nila nakikita. Gamit ang mga magagandang larawan ng iba’t ibang items, samahan mo pa ng konting sales talk, siguradong mahuhulog ka sa bitag ng mga kawatan!
Sa kabila ng matinding paalala ng pulisya at ng aming programa, marami pa rin ang nabibiktima. ‘Yung iba kasi, walang kadala-dala! Sige pa rin ang pakikipagtransaksyon sa mga taong di naman kakilala.
Kaya muli kaming magbibigay babala! Matalinong matsing ang mga manggagantso sa likod ng modus na ito. Lingid sa inyong kaalaman, ang inyong katransaksiyon ay gumagamit ng mga pekeng pagkakakilanlan at identification cards. May mga kasapakat itong mga remittance centers, kinakaibigan ang mga empleyado para maging maluwag ang pag-release ng mga hinulog ninyong pera.
At dahil nagtatago sa iba’t ibang pangalan ang mga dorobong ito, nahihirapan maging ang mga otoridad na lambatin ang mga mokong. Pero ‘wag kayong pakasiguro, dahil kahit anong galing n’yong magtago, hahantingin namin kayo at sisigurihin namin na mahuhulog kayo sa BITAG.
- Latest