Sa pag-atras ng mga whistleblowers
ANG ikatitibay ng ano mang kasong kriminal ay nakasalalay nang malaki sa mga ebidensya at testigo. Ngunit kapag ang mga testigo ay umaatras sa kanilang pahayag laban sa nasasakdal, ito kaya’y kapabayaan ng prosekusyon o talagang pulos paratang lamang ang mga ikinakaso? Tila nakangingiti na ngayon ng maganda si dating Senador Bong Revila. Sa kasong plunder na kinakaharap niya, maraming anggulong lumutang sa mga nakalipas na hearing para lumakas ang laban niya. Matagal na ring nakapiit sa custodial center ng PNP si Revilla at para na rin siyang nasentensyahan.
Umamin ang dalawang key witnesses ng pamahalaan na sina Marina Sula at Arlene Baltazar na inatasan sila ni Benhur Luy na idiin si Revilla. Anila, si Luy mismo ang naghanda at nameke ng mga PDAF documents na ginawang ebidensya laban sa dating Senador. Dagdag pa nila, wala raw tinanggap na kickback si Revilla.
Nang isalang sa pagtatanong si Revilla, sinagot niya nang walang kagatulgatol ang mga paratang laban sa kanya. Pinabulaanan niya na lumagda siya sa anumang endorsement letters, memoranda of agreement at liquidation reports.
Sabi niya, bilang senador tungkulin niya na mag-request ng pondo sa Department of Budget ang Management. Yun lang at hindi siya gumagawa ng anumang sulat para mag-endorso. At kaugnay ng kanyang co-accused na si Atty. Richard Cambe, nilinaw niya na hindi niya naging chief of staff ang abogado at wala silang anumang pinag-usapan na may kinalaman sa pera. Aniya, ang tanging papel ni Cambe ay bilang head for legislation sa kanyang tanggapan.
Pati ang mga umano’y sulat na sinasabing ipinadala ni Revilla sa COA aniya ay noon lamang niya nakita at ang lagda sa mga ito ay palsipikado. Kaya sa harap ng mga pangyayaring ito, mapapatanong marahil tayo, ito ba’y negligence ng prosecution na bigo sa paghaharap ng matibay na ebidensya o biktima ba ng binaluktot na hustisya ang dating Senador?
- Latest