Prayoridad?

BIBILI na raw ng submarines ang Philippine Navy, para maging respetado na rin ang Hukbong Karagatan natin sa ibang bansa. Ayon kay Dir. Arsenio Andolong, tagapagsalita ng DND, ang plano ay makabili na ng submarines bago matapos ang termino ni Pres. Rodrigo Duterte. Ang tanong, saan bibili ng submarines? At ang isa pang tanong, hindi kaya umangal ang China, ang malapit na kaibigan ni Duterte ngayon? Hindi ba ang pagbantay sa ating karagatan ang magiging tungkulin ng submarines na iyan? Makalabas naman kaya ng karagatan kung binabantayan nga ng China lahat? Sigurado may kakayanan ang China pangontra sa submarines, kung kinakailangan. O sa China nga bibili ng submarines?

Walang argumento na malaking tulong sa kaka­yanan ng Philippine Navy ang magkaroon ng submarines, bukod sa respeto ng mga hukbong karagatan ng ibang bansa na sinasabi ni Rear Admiral Empedrad. Pero ito nga ba ang mas prayoridad na mabili ng AFP? Ang isang submarine mula Japan ay may halagang $536.7 bilyon. Ang FA-50 na eroplanong pandigma na ginagamit ngayon ng Philippine Air Force ay nasa $30 milyon. Mas mahalaga ba ang isang submarine, sa 17 eroplano? O di kaya mas kailangan dagdagan ang ating mga barko tulad ng mga frigates, na karamihan ay mga pinaglumaan ng ibang bansa, maliban sa dalawang frigates na binibili ngayon mula sa South Korea? O di kaya bumili ng mga pangontra ng submarines ng ibang bansa?

Hindi ako sundalo, kaya nagtatanong din lang. Wala rin argumento na kailangan ng modernisasyon ng AFP, na sinimulan ng nakaraang administrasyon. Pero ang pagbili ng submarine ay hindi ganun kasimple. Magkano ang taunang pag-alaga at pagsuporta nito, pati na rin ang pagsasanay ng mga marino na gagamit nito? Kung hindi pa nga makumpleto ang kinakailangang gamit at sandata ng mga FA-50 para tunay na maging eroplanong pandigma? O sa submarines na muna ibubuhos ang pinaglaanang pondo para sa modernisasyon ng AFP?

Show comments