MAY mga pumuna kay DND Sec. Lorenzana sa kanyang pahayag na walang kakayanan ang Pilipinas na ipagtanggol ang mga inaangking teritoryo sa karagatan. Wala raw malalaking barkong pandigma, walang mga sandatang malalakas. Binanggit din ang paliparan sa Pag-asa na maikli at hindi naman aspaltado o sementado. Aabutin daw ng mahabang panahon bago magkaroon ng sapat na kakayanan ang AFP ipagtanggol ang ating teritoryo, o kontrahin ang malawakang pag-aangkin na ginagawa ng China. May katotohanan naman ang kanyang mga pahayag. Pero may mga nagsasabi na hindi dapat ganyan ang pahayag mula sa kalihim. Ang dapat na pahayag ay handang ipagtanggol ng AFP ang Pilipinas, sa anumang oras, sa anumang panahon.
Umaasa si Lorenzana ng mas malaking budget para sa modernisasyon ng AFP, para magbago nga ang sitwasyon ng Pilipinas pagdating sa pagtanggol ng teritoryo. Napag-iwanan na nga tayo ng ating mga kapitbahay na bansa, pag dating sa hukbong sandatahan. Nangako daw ang mga mambabatas na dodoblehin ang budget ng AFP, mula isang porsiyento ng gross domestic product (GDP) sa dalawang porsiyento. Wala naman ibinigay na numero na mas maiintidihan ng ordinaryong mamamayan. Pero kung dodoblehin nga ang budget ay sana magamit sa tama.
Sinimulan nga ng nakaraang administrasyon ang modernisasyon ng AFP, mula sa mga modernong barko hanggang sa mga eroplanong pandigma na unti-unting dumadating na sa bansa mula South Korea. Mga eroplano, na mabanggit ko, na pinintasan ni Pres. Rodrigo Duterte. Sino ba ang may ayaw ng mga eroplanong pandigma tulad ng F-15, F-16, F-18, F-22? Sino ba ang may ayaw ng mga barkong pandigma tulad ng mga dumadalaw sa bansa? Mga sandata na pwedeng ring ipantapat sa mga eroplano at barko ng China? Kung may pera lang sana ang bansa para makabili ng mga sandatang iyan.
Dagdag ni Lorenzana, kumplikado raw ang sitwasyon sa South China Sea. Sa tingin ko ay hindi na nga kumplikado, dahil inaangkin na nga ng China ang lahat. Tulad ng sinabi ng isang heneral mula China, ang paglagay ng mga sandata sa mga isla ay simbulo ng kanilang soberenya. Sa kanila ang mga isla, pati ang karagatan.