Honorarium ng guro huwag nang kaltasan
ELEKSYON na ngayon at magsisimula na namang kumayod ang ating mga titser sa gagawing halalan. Matrabaho man at matatawag ding mapanganib, welcome ito sa ating mga guro dahil dagdag-kita.
Ngunit huwag na sanang bawasan ng buwis ang kaunting allowance na ito bilang pagkilala sa kontribusyon ng ating mga guro sa pagkakaroon ng maayos na halalan.
Maging si Rep. Karlo Nograles, chair ng House Appropriations Committee na huwag nang buwisan ang honoraria at allowances na ibibigay sa mga guro na magsisilbi sa halalan ng Barangay at Sangunian Kabataan sa Mayo 14.
Inaayunan ni Nograles ang panawagan ni Education Sec. Leonor Briones na kakarampot lang naman ang kikitain ng mga titsers at kung babawasan pa, parang hindi na sulit ang kanilang pagpapagal.
Ang added income ng mga guro sa halalan ay P6,000 sa electoral chairman, P4,000 para sa supervisor ng DepEd, P2,000 para sa bawa’t isa sa support staff. Meron ding ibinibigay na P1,000 travel allowance bukod pa sa nabanggit na honoraria.
Ayon sa BIR, ang mga nasabing honoraria at allowance ay merong withholding tax o buwis na limang porsiento.
Kung susumahin, hindi pa umaabot sa P250,000 bawa’t taon ang kinikita ng ating mga guro. Kaunting pakunsuwelo man lang ang ibigay natin sa kanila kapag sumasapit ang eleksyon.
Wala namang hazard pay ang mga gurong ito lalu pa’t mapanganib ang papel na kanilang ginagampanan dahil expose sila sa mga election related violence. Kaya kasama na tayo sa mga nananawagan na “let’s be kind to our teachers” at huwag na nating kaltasan ang kanilang kaunting dagdag na kita, okay ba?
- Latest