COA at PTV-4

LAMAN ng balita ang mga nadidiskubre ng Commission on Audit (COA). Unang kinuwestiyon ng COA ang P60 milyong halaga ng mga komersyal ng Dept. of Tourism (DOT), na inilagay sa palabas ng magkapatid na Tulfo, na kapatid din ng Tourism secretary. Wala raw kasunduan ang PTV-4 at ang palabas ng mga Tulfo para maglagay ng mga komersyal ng DOT. Ayon kay DOT Sec. Teo, ang kasunduan ay sa pagitan ng DOT at PTV-4, at wala siyang kinalaman sa paglagay ng mga komersiyal ng DOT sa palabas ng magkapatid na Tulfo. Ang PTV-4 daw ang dapat tanungin.

Hindi lang iyan ang mga isyu ng PTV-4. May mga kinukuwestiyon din ang COA na mga gastusin, kuwestyonableng proyekto, at di pagsingil sa mga delinkuwenteng suplayer, lahat sa hala-gang hihigit sa P158 mil­yon. Ang mga gastusin daw ay dapat may pahintulot mula sa Office of the President (OP). May ilang nadiskubre rin, na ayon sa COA ay walang mga kaukulang dokumento para ipakita ang maayos na paglabas ng mga pondo. Kung walang maipakikitang mga dokumento, kailangang ibalik ang mga perang tinutukoy. May kinukuwestiyon din ang COA sa Public Attorney’s Office (PAO) na pagbayad sa plano at disenyo ng bagong gusali. Wala ring kaukulang dokumento. Government-to-government daw ang kasunduan. Iyan din pala ang paliwanag ni Sec. Teo sa PTV-4. 

Alam ko ang katayuan ni Pres. Duterte pagdating sa korapsyon. Ayon sa kanya, kapag may natunugan siya na “even a whiff of corruption”, tatanggalin sa tungkulin. Ewan ko, pero hindi na yata “whiff” lang ang mga nadidiskubre ng COA. Karamihan ng mga kinukuwestiyon ng COA ay mga gastusin na hindi suportado ng kaukulang dokumento. Bakit? Dahil government-to-government daw ang mga kasunduan? Iyan ba ang kalakaran nga-yon? Sila-sila na lang ang nag-uusap? Nanawagan naman si Presidential Spokesperson Harry Roque sa Ombudsman na kasuhan ang mga sinisibak ni Duterte dahil sa korapsyon, at aksyunan ang lahat ng mga nadidiskubreng anomalya ng COA. Hindi ba ang PTV-4 ay nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO)? Hindi ba alam ng kalihim ng PCOO ang mga isyu na iyan?

Show comments